Hindi ikinatuwa ng isang netizen ang umano’y paghila pababa ni Miss Q&A grand winner Juliana Parizcova Segovia sa kapwa niya babae sa kamakailang Facebook post. Inungkat din ng parehong netizen ang dating pahayag ni Juliana ukol sa kanyang ina.
Sa isang Facebook post noong Pebrero 24, makikita si Juliana suot ang isang red gown. Ngunit kapansin-pansin sa parehong larawan ang nakaimprentang larawan niya sa papel na nakalapag sa sahig. Suot ni Juliana rito ang kulay pink na gown na unang lumabas bilang pagsuporta sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo sa pagkapangulo noong Oktubre 2021.
“There is a shade of RED for every WOMAN (When u see it) p.s click mo kasi ung picture para makita mo ung sahig” mababasa sa caption ni Juliana.
Hindi naman pinalampas ng isang netizen ang umano’y panghihila pababa ni Juliana sa kapwa babae. Kinikilala nito ang sarili bilang isang transgender woman.
“You identify yourself as a woman. But you kept dragging a woman down, and that's quite sad,” komento ng isang netizen.
Hindi rin napigilan na ungkatin ng netizen ang pahayag ni Juliana nang sumali sa Miss Q&A sa ‘It’s Showtime.” Aniya kasi noon, ikinatatakot niya ang mawala sa kanyang tabi ang kanyang ina.
Kilalang isang single mom si Robredo sa kanyang Tres Marias na sina Aika, Tricia at Jillian na pinatutungkulan ng netizen.
“And you said before sa Miss Q & A that losing your mother is your greatest fear because she was your everything. Bilang anak, mahal natin ang mga nanay natin. Keep in mind that VP is a mother too. And all mothers deserve respect. Iba iba tayo ng presidente pero sana ung respeto ntin s kapwa ntin ndi mawala. Spread Love!” pagpapaalala ng netizen.
Rumesbak naman agad si Juliana at pinalagan ang naturang komento ng netizen.
Giit niya, “Hindi ko po binastos o niyurakan ang pagkatao ng sinumang kandidato, hindi po ako nagbibintang, nagiimbento at gumagamit ng iba para sa sarili kong interes.”
“Ako po ay naninindigan sa aking napili at ginagamit ang aking talento para makapagtrabaho at makapaghayag ng damdamin. Wala po sa kasarian ang pakikipagkapwa, makikita ito sa asal at pakikitungo sa mga taong minsan mong nakilala, kakilala at hindi kilala ng lubusan,” dagdag niya.
Matatandaang naging kontrobersyal ang pagbura ni Juliana sa kanyang larawan suot ang pink gown nang maging bahagi ito ng “Kape Chronicles” tampok ang karakter na si Lenlen. Bagaman sinabi ng manunulat at direktor na si Darryl Yap na hindi ito isang political content, ilang beses na pinalagan ng mga tagasuporta ni Robredo ang ilang episodes nito.
Bida rin sa naturang serye ang kapatid ni Presidential aspirant Bongbong Marcos, karibal ni Robredo, na si Senador Imee Marcos.