Mismong sina Aksyon Demokratiko Presidential bet at Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa panibagong distribusyon ng mga food boxes para sa may 700,000 pamilya sa lungsod ng Maynila nitong Lunes, bilang bahagi ng Food Security Program (FSP) ng lokal na pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Personal na nagtungo sina Moreno at Lacuna sa San Andres Sports complex na punong-puno ng mga food boxes at nagbigay ng kautusan na simulan na ang pamamahagi sa 896 barangay sa lungsod.
Ang distribusyon ay pangangasiwaan nina city engineer Armand Andres, Manila Traffic and Parking Bureau chief Dennie Viaje at department of public services chief Kenneth Amurao habang ang mga kapitan ng barangay naman ang siyang mamamahagi sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Moreno, base sa polisiya na napagkasunduan nila ni Lacuna sa simula pa lamang ng pandemya nang ikonsepto nila ang FSP, ang bilang ng mga food boxes na ipinamamahagi ng lokal na pamahalaan ay base sa aktwal na bilang ng mga pamilyang naninirahan sa lungsod at walang kinalaman dito ang estado sa buhay at hindi rin ito nakabase sa bilang ng mga bahay.
Bilang isang dating squatter, alam ni Moreno na minsan ay may apat hanggang limang pamilyang nakatira sa isang bahay kaya kahit na walang pandemya ay mahirap talaga ang pagkain para sa mga mahihirap.
“Gaya kami dati, patong-patong ang mga squatter pero isang building lang. Minsan apat o limang pamilya nakatira. ‘Yung mayaman, iparamdam natin taxes nila. Di nila kailangang hingin pa. Don’t pre-judge dahil lahat ngayon kailangan ng tulong,” giit ni Moreno.
Sinabi din ng alkalde na maging ang mga nakatira sa mga kongkretong bahay ay may karapatan ding tumanggap ng atensyon at tulong mula sa pamahalaan upang malaman nila na ang kanilang ibinabayad na buwis ay nagagamit sa tamang paraan.
Pinuri rin ni Moreno si Lacuna na siyang health cluster head at Presiding Officer ng 38-member Manila City Council, dahil sa pagiging instrumental nito sa mabilis na pagpasa ng mga ordinansa na nagbigay daan sa alokasyon ng kinakailangang budget para sa pagpapatupad ng FSP.
Sa kanyang bahagi, sinabi naman ni Lacuna na ang FSP at lahat ng iba pang programang sinimulan nilang dalawa ni Moreno ay kanilang ipagpapatuloy ng kanyang runningmate na si Congressman Yul Servo at pag-iibayuhin pa nila ang mga sa sandaling sila na ang alkalde at bise alkalde ng Maynila.
Nagpahayag din si Lacuna ng pagtitiwala na makikinabang ng husto ang Maynila kapag nahalal na pangulo ng bansa si Moreno.
Samantala, sinabi ni Moreno na ang mga food boxes ay matatanggap na ng mga residente sa linggong ito nang walang distinksyon.
“Rich, middle class or poor, everyone in Manila is covered by the city government’s food security program (FSP),” sabi ni Moreno.
May paalala din ang alkalde sa mga barangay chairman, ayon sa kanya: “Ke nasa condominium o nasa Tondominium, padalan nyo. Hindi porke’t bato ang bahay, hindi na kasama. Wala tayong pipiliin, aakapin natin lahat.”