Nausisa ang heartthrob actor na si Aga Muhlach tungkol sa napapabalitang inaawitan daw siya ng kaibigang TV host na si Willie Revillame na sumama na sa paglipat nito sa Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS) na pagmamay-ari ng dating senador na si Manny Villar, at siyang nakakuha ng provisional authority ng frequency ng Channel 2, na dating ginagamit ng ABS-CBN, na dating home network ng dalawa.
Lalong lumutang ang tungkol sa chikang ito nang magpaalam na si Willie at ang programang 'Wowowin' sa GMA Network. Bali-balitang shareholder umano si Willie rito at baka nga maupo bilang isa sa mga executive na mangangasiwa sa bagong network. Bali-balita rin ang 'merging' umano o agreement ng ABS-CBN dito; ibig sabihin, baka raw mapanood sa AMBS ang karamihan sa mga palabas ng Kapamilya Network.
"Wala namang issue doon, no, Willie and I are good friends. Right now, I’m just focused. I’m happy with NET 25," sey umano ni Aga sa panayam sa kaniya ng press sa ginanap na virtual media conference para sa bago niyang show na 'Bida Ka Kay Aga' sa NET 25, noong Marso 3, 2022.
Hangga't hindi naman siya pinapaalis at gusto pa ang serbisyo niya, wala raw dahilan para kay Aga na mag-babu sa kasalukuyan niyang home network. Bukod sa bagong show ay may game show pa siya rito na 'Tara Game, Agad Agad!'
Masasabi rin umano ni Aga na may 'delicadeza' siya pagdating sa network transfer.
"You know, hindi naman ako ganoon. Like, kinuha ako ng NET 25, nasa kanila ako. Masaya sila sa akin, masaya ako sa kanila, tuloy-tuloy lang. Nakakapagbigay ako ng ligaya sa kanila sana, at sila naman nakakapagbigay ng ligaya sa akin."
Malaki ang pasasalamat ni Aga sa tiwalang ibinigay sa kaniya ng NET 25. Lahat aniya ng mga hiling niya ay napagbibigyan naman. Ano pa nga ba ang hahanapin daw niya? Sa ngayon daw, priyoridad niya ang mga show na ginagawa sa naturang network.
"'Yun ang delicadeza ko, hindi na nawala sa akin,” sey pa ng mister ni beauty queen Charlene Gonzales.
Noong Pebrero 7 ay naging usap-usapan ang pagdalaw ni Willie kina Aga at Charlene at dito nga lalong tumibay ang mga 'chi-chi' na nagkakaawitan na. Nilagyan pa ito ni Aga ng hashtag na '#damingganap'.
Kapansin-pansin namang nagkomento rito ang naging co-host ni Willie sa Wowowin na si Sugar Mercado.
"❤️❤️❤️Salamat kuya, ate @itsmecharleneg we loveyou GODbless❤️??," aniya sa comment section.
Itinanggi naman ito nina Willie at Aga at sinabing matagal na silang magkakaibigan, at wala naman sigurong masamang gawin ito.