Nasa 20 service firearms ang nabawi ng Manila Police District (MPD) mula sa kanilang mga tauhan na natanggal sa serbisyo dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni PMaj Philipp Ines, hepe ng Public Information Office ng MPD, na ang Oplan Bawi o firearms recovery operation ay isinagawa noong Marso 4 hanggang 6, 2022 sa lungsod ng Maynila ng mga tauhan ni PMAJ Fernando Reyes ng MPD-DPHAS.Ayon kay Ines, nabawi ang may 20 service firearms na may iba't ibang brand, mula sa mga police personnel na nagkasakit, nagretiro, nasuspinde, nag-AWOL o absent without leave, na-dismiss sa serbisyo at nabigong ibalik ang mga service firearms na inisyu sa kanila ng PNP.
Nabatid na ang pagbawi ng mga naturang armas mula sa mga naturang police personnel ay upang matiyak na ang mga ito ay hindi magagamit na instrumento sa paggawa ng krimen o iba pang ilegal na aktibidad.
Sinabi naman ni MPD Director PBGen Leo Francisco na ang Oplan Bawi ay bahagi rin ng kampanya ng Philippine National Police (PNP) upang matiyak na magkakaroon ng ligtas at mapayapang halalan sa bansa sa Mayo 9.