Pagkatapos ni Angelica Panganiban, ang aktor at TV host na si Robi Domingo naman ang nagpayo sa mga botante na pumili ng tamang kandidato at huwag magpaloko sa mga mambubudol.

Nakipag-partner si Domingo sa Young Public Servants, isang grupo ng kabataan na nagsusulong ng good governance, sa paggawa ng video, kung saan tampok ang isang game show na may pamagat na “All or Nothing.”

Sa video, tinanong ni Domingo ang mga manooodna may pagpipiliian: “Sa pagpili ng kandidato, ano ang gagawin mo?”

Matapos ibigay ang unang pagpipilian na “manghula," pinayuhan ni Domingo ang mga botante ukol sa kanilang ihahalal sa darating na eleksyon. “We can’t fall for and be with the wrong period,” sabi nito.

Sa ikalawang pagpipilian na “phone a friend," pinag-iingat naman ni Domingo ang mga manonood na huwag maniwala sa fake news at mga tsismis.

Pagdating sa ikatlong pagpipilian na “survey says”, sinabi ni Domingo na: “hindi porke’t nangunguna ‘raw’, magaling na. Minsan magaling lang mambudol.”Sa kanyang huling pagpipilian, sinabi ni Domingo na: “Piliin ang sigurado at may napatunayan na. May malinis na track record, palaging nandiyan, at hindi nagtatago.”

Pagkatapos, hinikayat ni Domingo ang mga botante na huwag maniwala sa Tik-Tok at pag-aralang maigi ang kanilang pipiliin, dahil nakadepende rito ang kanilang kinabukasan at ang kinabukasan ng bansa.

“Sa eleksyon ngayong Mayo, hindi lang isang milyong piso ang nakataya rito. Future mo at ng buong Pilipinas ang mababago,” aniya.

“Kaya intindihin na ang mga kailangan. I-eliminate mo na iyong mga obvious naman na mali at huwag maniniwala sa mga pangakong ginto,” dagdag pa niya.

Bilang huling payo niya, sinabi ni Domingo sa mga botante na piliin ang mga lider na may kakayahan at huwag itong mga kilalang sinungaling at magnanakaw.

“Tandaan: huwag magpapabudol,” giit pa niya.