Patuloy pa rin sa pagbaba ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa na nasa mahigit 48,000 na lamang sa ngayon.

Ito’y matapos na makapagtala na lamang ang Department of Health (DOH) ng 870 na new COVID-19 cases at 1,433 naman na recoveries nitong Linggo.

Sa DOH case bulletin #722, sinabi ng ahensya na umabot na sa 3,667,542 ang total Covid-19 cases sa bansa.

Sa naturang bilang naman, 1.3% na lamang o 48,793 ang nananatili pang aktibong kaso o nagpapagaling pa sakit.

Sa mga aktibong kaso, 44,131 ang nakakaranas ng mild na sintomas habang 401 naman ang asymptomatic.

Nasa 2,693 naman ang mayroong moderate symptoms, 1,279 ang may severe symptoms habang 289 ang kritikal ang lagay.

Dahil naman sa 1,433 karagdagang gumaling sa sakit, umaabot na ngayon sa 3,561,726 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.1% ng total cases.

Nakapagtala pa rin ang DOH ng 144 pasyente na namatay sa sakit.

Idinagdag pa ng DOH na sa ngayon, aabotna sa 57,023 ang binawian ng buhay sa sakit.