Nag-react si Presidential candidate Sen. Ping Lacson sa alegasyon ni Cavite Rep. Boying Remulla na “ilang mga estudyante” na tila mga aktibista at “trained ng NDF (National Democratic Front)” ang umano’y kasama ng pink rally kamakailan sa Cavite.
“This is worrisome. A coalition government with the CPP/NPA/NDF (Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front) will set back the gains of the government’s efforts to end the country’s decades-old insurgency problem,” saad ni Lacson sa kanyang retweet sa isang ulat nitong tanghali ng Linggo, Marso 6.
Ito ang reaksyon ni Lacson sa pahayag ni Boying kamakailan sa isang radio program, isang araw matapos ang matagumpay na Cavite sortie ng Leni-Kiko tandem.
“Ang dami nilang mga estudyante, mukhang mga aktibista… Kaliwa, mga trained ng NDF (National Democratic Front)… May dalang mga bandera pero pink,” saad ni Boying.
Si Lacson na tubong Cavite ay isa sa principal authors ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020 na nakatanggap ng malawak na pambabatikos sa ilang progresibong grupo, dating mahistrado, mambabatas at akademya.
Una nang itinanggi ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang mga alegasyon ni Boying sa umano’y sistema ng hakot, o pagbabayad ng mga tao upang dumugin ang mga rally ng bise-presidente.
Inalmahan naman ng netizens ang mabigat na pahayag ni Lacson na umano'y naglagay sa alanganing posisyon sa volunteers at mga kabataang nakiisa sa naturang rally.
Tila hindi naman natinag si Lacson sa natanggap na pambabatikos at sa halip ay binanatan ang mga kritiko ng "old qoute" na "truth hurts."
Sa pag-uulat, parehong trending topics ang #HindiKamiBayad, #BoyingSinungaling at Ping na parehong kumukwestyon sa tagumpay ng Cavite sortie ni Robredo.