Sumailalim sa surprise drug test ang 144 na pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) Holy Spirit Station (PS 14) nitong Sabado, Marso 5.
“Patuloy ang ating pagsasagawa ng surprise drug test sa lahat ng kapulisan ng QCPD upang matiyak at malaman kung sino ang gumagamit ng ipinagbabawal na droga," ani QCPD Director Brig. Gen. Remus Medina.
“Sa ilalim ng aking pamumuno, hindi ako makapapayag na nasa QCPD ang dudungis sa pangalan ng pambansang pampulisya ng Pilipinas," dagdag pa niya.
Nagsagawa rin ng inspeksyon para sa 100 porsyentong pagdalo ng mga pulis, habang sinuri rin ang kanilang mga baril, PNP identification card, automatic teller machine card (ATM), at mga cellphone upang matiyak na walang sangkot sa E-Sabong.
“Pinaalalahanan ko ang ating kapulisan na sumunod sa Internal Cleansing Program at huwag masangkot sa anumang ilegal na aktibidad at panatilihin ang pagiging isang mabuting pulis at magbigay serbisyo nang buong puso at tapat," ani Medina.Aaron Dioquino