Pinuri ng online personality na si Christian “Xian” Gaza ang PR team ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil kaya nitong “makondisyon ang utak ng sambayanang Pilipino” na mas magaling ang kanilang manok kumpara sa karibal nitong si Presidential candidate at Vice President Leni Robredo “kahit hindi naman talaga.”
Nitong gabi ng Biyernes, Marso 4, muling naglabas ng kanyang saloobin si Xian ukol sa dalawang nangungunang kandidato sa pagkapangulo sa darating na botohan sa Mayo.
Una nang sinabi nitong si Robredo ang kanyang “personal choice” dahil “siya ang kailangan ng Pilipinas” kahit na para sa kanya’y “walang kalatuy-latoy” ang kandidato.
Tila nagbago naman ang ihip ng hangin nang bawiin nito ang kanyang unang sinabing mas competent si Marcos Jr. kumpara sa karibal nitong si Robredo.
“SADYANG NAPAKAHUSAY LANG TALAGA NG P.R. TEAM NI BBM PARA MAKONDISYON ANG UTAK NG SAMBAYANANG PILIPINO NA HE IS BETTER THAN LENI KAHIT HINDI NAMAN TALAGA. MALAYONG-MALAYO SA TOTOO LANG,” saad ni Xian sa isang mahabang Facebook post.
Tinawag naman nitong “basura” ang PR strategy ng kampo ni Robredo na sa halip na makakuha ng boto aayawan ng madla.
Samantala, hindi naniniwala si Xian na magnanakaw din umano si Marcos Jr. Gayunpaman, tinawag nito ang kandidato bilang “tagapagmana ng magnanakaw.”
Hindi rin nakaligtas ang kadalasang “no-show” ni Marcos Jr. sa mga debate.
“BAKIT HINDI UMA-ATTEND SA MGA DEBATE SI BBM? DAHIL WEAKNESS NIYA ANG FACE TO FACE IMPROMPTU Q&A. SABLAY ANG KANYANG COMMUNICATION SKILLS KAYA PALAGING NAUUTAL-UTAL SA MGA INTERVIEW. KUNG ALAM MO PALANG MASISIRA KA AT MAWAWALAN NG BOTO BY ATTENDING A DEBATE, THEN BAKIT KA SASABAK? BOBO KA BA?” teorya ng online negosyante’t online personality.
Sa huli, nilatag nito ang aniya’y katotohanan pagdating sa pagpili ng mayorya sa kandidato sa panahon ng botohan. Ani Xian, “hindi patalinuhan o pagandahan ng credentials” ang labanan ngunit “pagalingan kung paano mo maipa-package ang iyong sarili upang bumenta sa masa.”
“KNOW IT DOESN'T SOUND RIGHT BUT THAT'S THE REALITY SA ATING BANSA,” pagtatapos ni Xian.