Binira ng mga kongresistang miyembro ng Bayan Muna ang Social Security System (SSS) dahil sa pag-o-obligasa mga pensioner na sumailalim sa programang tinatawag na Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) kahit nararanasan pa ang pandemya ng Covid-19.

Binanggit nina Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Eufemia Cullamat, at Ferdinand Gaite na dagdag pahirap lang ito sa mga matatanda at sakiting SSS pensioners kaya nais nila itong maimbestigahan.

“The reimplementation of the Acop (annual confirmation of pensioners), as it is now, has only caused confusion and added burden to pensioners, the elderly especially, instead of helping them in this time when the pandemic is still ongoing,” saad sa House Resolution No. 2504 na inihain ng mga militanteng mambabatas sa Kamara.

Layunin ng resolusyon na himukin ang House committee on government enterprises and privatization, na magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, kaugnay ng nasabing programa na sinasabing "nakalilito at nakalilikha pa ng problema."

Sa ilalim ng programa, ino-obliga nito ang libu-libong SSS pensioners at beneficiaries na personal na mag-report sa SSS bawat taon upang ipaalam sa ahensya na aktibo pa nilang tinatanggap ang kanilang buwanang pensiyon.

Pansamantalang sinuspinde ng SSS ang mga alituntunin tungkol dito noong Marso 2020 nang unang lumitaw ang Covid-19 pandemic sa bansa.

Noong Setyembre 2021, naglabas ang SSS ng guidelines para sa muling pagpapatupad nito at nagbibigay sa mga pensioners at dependents hanggang Marso 31 para makatupad sa requirement.

Sa inilabas na alituntunin, nire-require ang mga pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioners, survivor pensioners, at ang kanilang dependents na sundin ang programa.