Mismong si Department of Health (DOH) Secretary Francisco T. Duque III ang nanguna sa “Bayanihan, Bakunahan - Kids ang Bida” Pediatric Vaccination para sa mga batang edad 5-11-anyos, na idinaos sa San Fernando North Central School at sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa La Union nitong Biyernes.

“Sa mga magulang na hindi pa napapabakunahan ang kanilang mga anak, mangyari po na dalhin nyo sila sa ating mga vaccination sites upang maibigay sa kanila ang nararapat na bakuna panlaban sa COVID-19. Marami na pong batang nakatanggap nito at wala pong naidulot na anumang masamang epekto sa kanilang kalusugan. Ito po ay sertipikado ng mga eksperto, ito po ay ligtas gamitin at ito po ay libreng ibibigay sa inyo,” mensahe pa ni Duque sa mga magulang sa immunization activity, nang bumisita siya sa lugar.

“Ang ating mga health workers ay walang hinto at patuloy na nagsasakripisyo upang maibigay sa inyo ang napakahalagang bakunang ito upang ang inyong mga anak ay protektado at lumaking malusog at ligtas sa COVID virus,” dagdag pa niya.

Nabatid na hanggang noong Marso 4, 2022, nasa kabuuang 30,603 batang kabilang sa 5-11 age group na ang nabakunahan laban sa COVID-19 sa Region 1.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nalampasan na nito ang initial target na 25,000 lamang sa pagsisimula ng vaccination campaign.

Mayroon umanong 73,133 batang nagkakaedad ng 5-11 taong gulang sa naturang rehiyon.

Samantala, sa panig naman ni Regional Director Paula Paz Sydiongco, sinabi nito na ang pediatric vaccination ay hindi mandatory at kailangan munang magprisinta ng consent mula sa mga magulang o guardian, bago mabakunahan ang isang bata.

Gayunman, binigyang-diin niya na ang pagpapabakuna sa mga bata laban sa COVID-19 ang pinakamabisang paraan upang maproteksiyunan sila laban sa severe at critical symptoms ng virus.

Tiniyak rin niya na magpapatuloy ang pediatric vaccination sa rehiyon hanggang mayroon silang suplay ng bakuna.

“Sa pagbubukas ng ating ekonomiya at pagbaba ng ating alert level sa rehiyon, patuloy po nating ipatupad at gawin ang mga minimum health protocols upang patuloy tayong maproteksyunan laban sa Covid-19. Protecting ourselves and our children also means protecting our community,” pagtatapos pa ni Sydiongco.