Ayon kay Romulo Macalintal, isang election lawyer, hindi mananagot sa sinumang paring Katoliko sa anumang pagkakasala kung sila ay mag-eendorso ng isang partikular na kandidato, pambansa man o lokal, para sa Mayo 9.

Sinabi ni Macalintal na ang naunang probisyon sa Omnibus Election Code na nagbabawal sa mga pari na gawin ito ay pinawalang-bisa na ng Republic Act 7890, na ipinasa noong 1994.

Ang paglilinaw ay ginawa ni Macalintal nang makausap niya ang mga pari at klero sa Archdiocesan Pastoral Discernment On Elections 2022 sa Lipa, Batangas sa pangunguna ni Archbishop Gilbert Garcera kasama ang 125 pari, ilang grupo ng relihiyon, at mga parokyano ng lalawigan.

"There is no election offense if a priest or bishop campaigns or endorses a candidate. So the question is, can the church and clergy endorse during the election, the answer is a resounding Yes!" pahayag ni Macalintal.

Tungkol naman sa probisyon ng konstitusyon sa "separation of church and state", aniya, wala sa anumang paraan na nauugnay sa kalayaan ng simbahan at mga pari na mag-endorso ng mga kandidato sa isang halalan.

"This provision merely pertains to the prohibition for the government to extend public funds to any religious organizations or favor one religious group or recognize only one religious organization to the exclusion of others," ani Macalintal.