Wala pang plano ang Department of Health (DOH) na gawing mandatory ang COVID-19 vaccine booster shots, partikular na sa mga taong naninirahan sa mga lugar na nasa ilalim na ng Alert Level 1 status.

Ginawa ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje ang pahayag sa isang public briefing nitong Sabado, kasunod ng panukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na i-mandato na ang pagpiprisinta ng booster vaccination cards sa pagpasok sa mga establisimyento sa mga lugar na nasa ilalim ng pinakamababang alerto sa COVID-19.

Ayon naman kay Cabotaje, nauunawaan nila ang perspektibo ni Concepcion na magkaroon ng full protection.

Gayunman, sa ngayon ang maaari lamang nilang gawin ay magbigay ng impormasyon, pakiusapan ang mga mamamayan na magpa-booster shot na laban sa COVID-19 at paigtingin pa ang pagbabakuna sa mga mamamayan.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“Naiintindihan natin kung saan ang perspektibo ng ating Presidential Assistant Joey Concepcion—gusto niya full protection. Pero sa ngayon ang ating gagawin ay magbigay tayo ng information at pakikiusapan sa mga booster,” aniya pa.

“Habang ang hesitancy ay bumaba, walang urgency yung pagpapa-booster kasi karamihan—sapat na yung two dose at saka yung ‘no vax, no entry’ hanggang two dose. Ang gagawin natin ay i-strengthen natin yung advocacy,” dagdag pa ni Cabotaje.

Base sa National Vaccination Dashboard, mayroon nang kabuuang 63,681,927 Pinoy ang fully vaccinated laban sa COVID-19.

Gayunman, nasa 10,476,652 pa lamang sa mga ito ang nakatanggap na ng booster shots hanggang nitong Marso 5.