Nangako si  Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Sabado, Marso 5, na uumentuhan niya ang sahod ng mga manggagawa sakaling manalo sa botohan sa Mayo 2022.

Sinabi ni Marcos Jr. na gagawin niyang posible ang pagtaas ng sahod sa pamamagitan ng pagtulak ng mga hakbang na hahantong sa pagbangon ng ekonomiya na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Gayunpaman, may kalakip na paalala ang pangakong ito. Sinabi niya na hindi niya muna itutuloy ito dahil anumang malaking pagtaas ng sahod sa ngayon ay maaaring mag-trigger ng pushback mula sa mga negosyante, na sinusubukan pa ring bumangon.

“Alam natin ang pangangailangan ng sektor ng paggawa na kailangan ding taasan ang sahod pero dahil nga hindi pa tayo nakakabangon mula sa pandemya ay siguraduhin muna nating pasiglahin ang kalakalan,” ani Marcos Jr.

“Tiyakin muna natin ang pagbubukas ng mga kumpanya at ang pagbabalik sa trabaho ng ating mga kababayan. Mula sa ganung konsepto ay titiyakin natin ang kaluwagan at pagbibigay ng maaaring mga benepisyo sa ating mga manggagawa,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng Ilocano presidential aspirant na ang paglago ng ekonomiya ay dala ng consumer spending at business investment.

Kaya’t aniya, “It is, therefore, necessary for people to have jobs to be able to spend and pump up the economy.”

“Kahit nakikita na natin ang unti-unting pagbangon ay kailangan pa ding patatagin muna ang kalakalan at iyan ang ating pagsisikapang gawin,” ani Marcos.

Sinabi ni Marcos na ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ang magiging backbone ng kanyang economic program, na bahagi ng mga platform na madalas niyang binabanggit sa kanyang mga campaign rally.

“Parang may domino effect ang pag-unlad. Kailangan nating ibangon ‘yung mga sektor na bubuhay sa ekonomiya at susunod na ang lahat,” aniya.

Joseph Pedrajas