Kasunod ng isang serye ng investigative reports na umano’y umatake at sumira sa reputasyon ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KJOC), inihabla ngayon ng ilang kasapi ng kanyang simbahan ang online news organization na Rappler at ilang mamamahayag nito.
Sinampahan ng reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 ang Rappler Incorporated, ilang mamamahayag nito at apat na nakapanayam para sa naturang isang investigative series na naglantad sa umano'y pang-aabuso ng church leader sa naratibo ng sariling mga kasapi nito.
Tila may kaugnayan naman kay Quiboloy ang nagsama ng mga kaso na sina KOJC coordinators Audrey Madrid Pelera, Rose Gorgoio Corda at KOJC ministers na sina Fahad Murphy Ocampo Sangkkula at Elias Quinlog Bolanio Jr.
Si Rappler Regional head journalist Inday Espina-Varona, Mindanao bureau coordinator Herbie Gomez at dating researcher na si Vernise Tantuco ang natukoy na respondents ng cyber libel complaints na magkakahiwalay na isinampa noong Enero at Pebrero ngayong taon.
Hindi rin nakaligtas sa reklamo ang mga nagsalaysay sa Rappler at dating mga kasapi nitong sina Arlene Caminong-Stone, Faith Killion, Reynita Fernandez gayundin si Ateneo de Manila University faculty member at sociologist na si Jayeel Cornelio na nagbahagi ng kanyang pananaw sa isang panayam sa Rappler.
Alegasyon ng kampo ni Quiboloy, isang pag-atake, at pagsira sa pangalan ng kanilang church leader ang mga nilabas na istorya ng Rappler mula noong Disyembre 2021 kasunod ng indictment ng church leader sa US District Court for the Central District of California sa patong-patong na reklamo ng walong dating kasapi ng simbahan.
Naharap sa mga kasong sex trafficking, fraud at coercion si Quiboloy dahilan para ibalandra rin siya bilang “most wanted” Federal Bureau of Investigation sa kanilang website.
Basahin: ‘Most Wanted’ poster ni Quiboloy, nakabalandra sa FBI website – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid
Nauna namang itinanggi ng kampo ni Quiboloy ang mabibigat na alegasyon.