Sa kabila ng pahayag ni Gov. Jonvic Remulla na isang “Marcos country” ang Cavite, libu-libong tagasuporta nina Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at Vice Presidential candidate Sen. Kiko Pangilinan ang buong-puwersang nagtungo sa grand rally ng tandem sa General Trias.
Napuno ng kulay pink ang Sports Complez ng General Trias Cavite nitong Biyernes, Marso 4, matapos dumugin ng Kakampinks ang Cavite leg ng kampanya ng Leni-Kiko.
Matatandaang noong Pebrero, nangako si Remulla na 800,000 taga-Cavite ang susuporta mula sa vote-rich province para kay UniTeam Presidential aspirant Bongbong Marcos.
“Mr. President [Marcos] pinapangako na namin ang Cavite ay para sa inyo. Pinapangako na namin ang 800,000 plus votes dito sa Cavite para sa inyo. Pinapangako ko ang lahat ng suporta ng mga mayor ng Cavite sa inyo tandaan nyo, dito sa Cavite sagot na namin lahat,” sabi ng kampo ni BBM na umano’y binanggit ni Remulla.
Tila hindi naman tinanggap ng Caviteño Kakampink ang pahayag ng gobernador at sa halip ay full-force na ipinakita nito ang suporta sa Leni-Kiko tandem.
Samantala, simula pa nitong gabi ng Huwebes hanggang sa pag-uulat, nanatiling top trending topic sa Twitter Philippines ang #CaviteIsPink na tumabo na ng higit 113,000 tweets.