Pitong taon mula ngayon, posible umanong tatama sa mundo ang isang space rock na tinawag na Asteroid Apophis na sa pagtaya ng mga siyentipiko ay mas malaki pa sa Eiffel Tower sa Paris, France.
Sa pag-aaral ng National Aeronautics and Space Administration (NASA), lalakbay ang asteroid ng 31,000 kilometro at may posibilidad na dadaan ito malapit sa ibabaw ng Earth.
Sa pananaw ng mga siyentista, posibleng dumaan ang asteroid malapit sa communication at meteorological satellites sa orbit at lalakbay ito ng mahigit 40,000 kilometro kada oras kapag lumagpas na nito sa Earth.
Malaki rin ang posibilidad na lumikha ito ng 1.6 kilometrong lapad at 518 metrong lalim kapag bumagsak ang Asteroid Apophis sa daigdig. Sa pagtaya ng NASA, mahigit sa 27 bilyong kilo ang nasabing asteroid.
Ang lakas ng pagtama nito sa lupa ay katumbas 880 milyong tonelada ng trinitrotoluene (TNT) kaya labis na nangangamba ang mga siyentipiko.
Gayunman, isang tao lamang ang hindi nag-aalala--siya ay si Elon Musk, ang founder at Chief Executive Officer (CEO) ng SpaceX na nauna nang nagpahayag na wala ng magagawa ang sangkatauhan kapag tumama ang asteroid sa daigdig.
Sa kabila nito, pinag-aaralan pa rin ng mga siyentipiko ang petsa at lugar kung saan tatama ang nasabing space rock.
Matagal nang nagbabala ang NASA na masyadong mapanganib ang nasabing asteroid na natagpuan sa ating solar system.
Kahit may pagtaya na ang naturang U.S. space agency sa posibilidad ng four-in-a million collision sa malapit na pagdaan nito sa 2036, naniniwala pa rin ang ibang eksperto na ang dala nitong totoong panganib ay hindi nahuhulaan.
Katulad na lamang ng naiulat ng isang pahayagan sa Britanya kung saan ibinunyag ng siyentipikong si Michael Horn na nagkamali ang NASA sa pag-aaral sa posibleng daanan ng nabanggit na asteroid at iginiit na posibleng mangyari ang pagbagsak nito sa lupa sa susunod pang 10 taon.
Sa kanyang teorya, maaaring tumama ang asteroid sa ating planeta sa isang lugar sa pagitan ng North Sea, Atlantic Ocean, at Black Sea na matatagpuan sa eastern Europe at western Asia.
“Apophis will hit Earth on April 13, 2029, or April 2036 if it does not deviate. Asteroid Apophis, with certainty, will impact the Earth between the North Sea and the Black Sea on April 13, 2029, less within 10 years or on April 13, 2036. I have a lot of information that we have corroborated to date with more than 250 specific examples of what I would like to call prophetically accurate scientific information from the source," pagtataya pa ni Horn.
Matatandaang madalas na nagpaalala ang NASA na hindi dapat pangambahan ang panganib ng asteroid dahil ilang taon nang ginagawa ang isang planetary defense weapon upang maprotektahan ang Earth sa banta ng kalawakan.
Layunin umano ng nasabing armas na ilihis ang asteroid sa tinatahak na pagbabagsakan upang maiwasang magkaroon ng mapaminsalang epekto nito.
Hindi ito sinang-ayunan ng ilang eksperto na naniniwalang hindi uubra ang nasabing armas kapag ginamit ito sa malaking asteroid na katulad ng Apophis. At sa halip, iminungkahi ng mga ito na bombahin na lamang ang asteroid kapag papalapit na ito sa daigdig.
Ngunit, nagbabala ang mga ito dahil ang pagwasak umano sa asteroid ay magdudulot ng radioactive rain na lilikha ng isa pang kapahamakan at malawakang pinsala sa mundo.