Kabuuang 34 at hindi 31 ang nawawalang sabungero matapos silang dumayo sa mga sabungan sa Sta. Cruz, Maynila; Sta. Cruz, Laguna; at Lipa City sa Batangas kamakailan.
Ito ang isinapublilko ni Senator Ronald "Bato: dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay ng usapin nitong Biyernes, Marso 4.
Aniya, ibinatay nito ang kanyang pahayag sa ulat ng Philippine National Police (PNP).
Sa nabanggit na pagdinig, ibinunyag naman ni Maj.Gen. Eliseo DC Cruz, acting director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sumusulong na ang kanilang imbestigasyon dahil sa malaking bagay na "nadiskubre" nila at makatutulong ito sa pagresolba ng pagkawala ilang sabungero sa Manila Arena.
Aniya, magsasampa sila ng kasong kidnapping with serious illegal detention sa Manila Prosecutor's Office laban sa anim na may kinalaman sa kaso.
Kaagad namang tinanong ni Senator Panfilo Lacson si Cruz para sa iba pang impormasyon gayunman, sinabi nito na hihintayin muna nila ang ilalabas na warrant of arrest ng hukuman.
Binanggit ni Cruz na 13 sa 34 na sabungero na nawawala ay dinala ng 14 na security guard sa basement ng Manila Arena bago uman sila isinakay sa isang green na van.
Naiulat namang nawawala ang tatlo pang sabungero matapos umano nilag i-clone o kopyahin ang website ng isang lehitimong e-sabong operator.
Mario Casayuran