Lumabas na ang resulta ng election survey na isinagawa ng kumpanyang Publicus Asia noong Pebrero para sa mga kandidato sa pagka-alkalde at pagka-bise alkalde sa may 17 local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR).

Sa nasabing resulta, nanguna ng milya-milya si Vice Mayor Honey Lacuna na tumatakbo sa pagka-alkalde ng Maynila, kahalili ni Mayor Isko Moreno na tumatakbo naman sa pagka-Presidente sa halalang gaganapin sa Mayo 9.

Nabatid na nakuha ni Lacuna ang highest approval ratings kumpara sa pinagsamang ratings ng kanyang mga karibal.                                  

Batay sa resulta, nanguna si Lacuna sa puntos na 44%, na malaking kalamangan sa pumapangalawang si Alex Lopez na nakakuha lamang ng 10%, Amado Bagatsing na may 8% lamang, Christy Lim na may 4%, Elmer Jamias na may 3% at Onofre Abad na may 2%.

Nasa 19% pa naman ang undecided habang 10% ang hindi bumoto.

Samantala, sa pagka-bise alkalde naman, ang running mate ni Lacuna na si 3rdDistrict Congressman Yul Servo, ang nanguna sa vice mayoral candidates sa Maynila nang makakuha ng 27%.

Kaugnay nito, labis namang ipinagpapasalamat nina Lacuna at Servo ang resulta ng survey.

Gayunman, tiniyak nila na hindi dahilan ito upang maging kampante na sila at sa halip ay patuloy pa ring aktibong mangangampanya upang matiyak na patuloy na makakatanggap ang mga Manilenyo ng mga benepisyong ipinagkakaloob sa kanila ng kasalukuyang administrasyon.

Ginarantiyahan pa ng mga ito ang patuloy na monthly financial assistance ng mga espesipikong sektor na nangangailangan nito na kinabibilangan ng senior citizens, solo parents, university students at persons with disabilities.                                                                                           

Paulit-ulit na binabanggit ni Moreno na tanging kay Lacuna lamang epektibong magtutuloy-tuloy ang kanyang mga nasimulang programa para sa mga benepisyo ng mga Manilenyo dahil bahagi si Lacuna sa paglikha at pagpapatupad ng mga ito.

Ang ‘Pahayag NCR Election Tracker Survey’ ay isang independent and non-commissioned poll na isinagawa ng Publicus Asia mula Pebrero 18 hanggang 24, sa may 1,625 respondents na naninirahan sa Metro Manila at hinango sa market research panel ng may mahigit na 200,000 Filipinos ng American market research firm na PureSpectrum.

“The final survey research panel was restricted to registered voters and the parameters based on respondent age, gender, and location were also utilized in the sample formulation in order for the resulting sample to conform more closely to the features of the voting population, as defined by statistics from the Commission on Elections (Comelec),” anito.

Ipinaliwanag din ng PureSpectrum na ang kanilang mga samples ... “are not affiliated with any bias or political party and that all opinions voiced in the interpretation and analyses of the data are those of the writer and/or project sponsor.”     

Samantala, nanguna rin sa naturang election survey ang walo pang incumbent mayors na sina: Imelda Aguilar, Las Piñas; Abby Binay, Makati; Marcy Teodoro, Marikina; Rubiano Calixto, Pasay; Vico Sotto, Pasig; Ike Ponce, Pateros; Joy Belmonte, Quezon City; at Francis Zamora, San Juan.