Patay ang isang 2-taong gulang na batang lalaki nang malunod matapos na lumusot sa butas ng kanilang barung-barong at mahulog sa ilog Pasig sa Sta. Mesa, Manila nitong Huwebes ng umaga.
Ang biktima ay nakilalang si John Lucas Almero, 2, residente ng 2618 Sta. Maria St., Pandacan, Manila.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng mga tauhan ng Sta. Mesa Police Station 8 (PS-8) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-7:10 ng umaga nang marekober ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bangkay ng biktima sa Pasig River, na sakop ng Barangay 636, Anonas St., Valencia Pumping Station, sa Sta. Mesa.
Sa salaysay ng pinsan ng biktima na si Joana Marie Sta. Iglesia, natukoy na dakong alas-5:00 ng madaling araw ay mahimbing na natutulog ang bata sa loob ng kanilang barung-barong na nasa tabi ng Pasig River, nang aksidente itong mahulog sa butas ng bahay patungo sa ilog at hindi na natagpuan pa.
Bangkay na ang bata nang makita itong palutang-lutang sa ilog ng isang Ciriaco Samuya, utility worker 1 ng Metro Manila Development Authority (MMDA), kaya’t kaagad na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Dinala ang bangkay ng biktima sa Cruz funeral parlor para sa kaukulang awtopsiya at safekeeping.