Patay ang isang umano'y dating nahatulan sa kasong illegal drugs matapos barilin ng apat na lalaki sa harap ng asawa nito sa Barangay Minuyan, Murcia, Negros Occidental nitong Miyerkules.

Dead on the spot ang biktima na si Arnold Saldo, 46, taga-Brgy. Minuyan, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Sugatan naman ang kasamahan na si Romel Tabara, 30, ng nasabi ring lugar.

Sinabi ni Murcia Municipal Police chief, Capt. Jerald Muya, bago ang insidente ay nag-iinuman ang mga biktima, kasama ang misis ni Saldo at iba pang kasamahan, sa harap ng kanilang bahay nang biglang dumating ang apat na lalaki.

Bigla na lamang binaril ng mga ito ang biktima at matapos ang krimen ay agad silang tumakas sakay ng isang van.

Probinsya

30 volcanic earthquakes, naitala ng Mayon; nakataas pa rin sa Alert Level 3

Narekober sa crime scene ang mga bala ng Cal. 45 pistol at M16 Armalite rifle.

Binanggit naman ni Muya na dating kinasuhan si Saldo noong 2014 dahil sa iligal na droga hanggang sa mahatulang makulong.

Kamakailan aniya ay pinalaya ito sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen.

Glazyl Masculino