Nilinaw ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na hindi nila nire-require na magpabakuna laban sa COVID-19 ang mga mag-aaral na lalahok sa face-to-face classes.

Sa Laging Handa briefing nitong Miyerkules, ipinaliwanag ni Briones na hindi maaaring gawing mandatory ng DepEd ang vaccination dahil ang mga magulang ng mga bata ang magdedesisyon kung pababakunahan o hindi ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.

Gayunman, hinihikayat aniya nila ang mga magulang na pabakunahan ang mga bata upang matiyak na protektado ang mga ito laban sa virus.

“Hindi required [ang vaccination for in-person classes]. It is voluntary kasi ang parents ang magde-decide niyan. But of course, we would encourage [vaccination],” ayon pa kay Briones.

Ang mga bata naman ay may mas malakas na resistensiya o immunity laban sa COVID-19.

Iniulat niya na sa mahigit 15,000 estudyante na lumahok sa pilot phase ng limited face-to-face classes mula Nobyembre hanggang Disyembre ng nakaraang taon, wala ni isa man ang nagpositibo sa COVID-19.

Gayunman, nilinaw ni Briones na kung hindi mandatory ang pagpapabakuna sa mga bata, required o mandatory naman ito para sa mga teaching at non-teaching personnel na dadalo sa in-person classes.

Aniya, maaari pa rin namang patuloy na magtrabaho ang mga hindi bakunadong personnel ng DepEd kung nasa bahay lamang ang mga ito o di kaya’y kung sasailalim sa COVID-19 test bago pumasok sa trabaho.

Iniulat din naman ni Briones na sa ngayon ay umaabot na sa 4,295 na mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang nagsasagawa na ng in-person classes.

Paliwanag ni Education Assistant Secretary Malcolm Garma, nasa 76 private schools na rin ang nagsimula na ring magdaos ng classroom sessions.

Iaasahan na nilang lalo pang darami ang mga paaralan na sasali sa face-to-face classes ngayong marami ng lugar sa bansa ang nasa ilalim na ng Alert Level 1, kabilang na ang National Capital Region (NCR).