Sinabi ni Vice President Leni Robredo nitong Miyerkules, Marso 2, na sesertipikahan niya bilang urgent ang pagsasabatas sa Security Tenure Bill na magwawakas sa labor contractualization, o "endo", kung siya ang mahalal na pangulo.

Sa Catholic E-Forum sa Radyo Veritas, iginiit ni Robredo na gagawin niyang prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpasa sa panukalang ito.

“We will certify the Security of Tenure bill as urgent. This is long overdue,” sabi ni Robredo sa isang panayam na ipinalabas sa Radyo Veritas DZRV 846.

Noog Hulyo 2019, na-veto ni Pagulong Duterte ang Security of Tenure Bill kahit na na-certify niya itong urgent.

Sa isang dalawang-pahinang veto message na ipinadala sa Kongreso, binanggit ng Pangulo ang "delicate balance" sa pagitan ng mga empleyado at employer.

Sinabi ni Duterte na mas makakasama sa mga manggagawang Pilipino kung tatanggi ang mga negosyo na mamuhunan sa Pilipinas dahil sa panukalang batas.

Binanggit ng Bise Presidente na ang kanyang karanasan sa trabaho sa sektor ng paggawa ay gagabay sa kanya sa "kagyat" na pagpasa ng SOT bill bilang batas.

“I was a labor lawyer. Matagal po ang aking involvement kaya matagal din, malawak din ‘yung ating networks with many labor organizations and we have been working on policies na makakatulong . In fact, recently, nagkaroon po kami ng signing ng commitment sa labor,” aniya.

Gayundin, idinagdag ng presidential aspirant na isusulong din niya ang pag-amyenda sa Labor Code para matigil ang illegal labor contracting scheme.

“Because if you look at the issue of endo, contractualization, these are intertwined with the other provisions of the Labor Code,” pagpupunto ni Robredo.

“What is the difference between prohibiting subcontracting and allowable contracting? We have to institutionalize it,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ng Bise Presidente na ang pagpasa ng Security of Tenure law ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagwawakas ng kontraktwalisasyon.

“Merong pinasa na version sa Congress na na-veto ni Presidente eh. Iyong version na ‘yun, parehong hindi 100 percent satisfied ‘yung employers saka employees, pero pinagkasunduan nila na important first step,” aniya.

Raymund Antonio