Tiniyak ni Manila Mayor at presidential aspirant Isko Moreno nitong Miyerkules na libreng mangampanya sa lungsod ng Maynila ang lahat ng kandidato at hindi na kailangan ng permit.

Inulit ng alkalde ang naturang pahayag na una na niyang sinabi noong nakaraang buwan, matapos na hindi matuloy ang kanyang planong motorcade sa Caloocan City kamakailan nang bawiin ni Mayor Oca Malapitan ang permit na inihain nila noong nakaraang linggo, at una naman nitong inaprubahan.

“Welcome po kayo sa Maynila. Punta po kayo dito, mangampanya po kayo dito. Sa akin nyo na po mismo narinig. Meron na po kayong libreng permit.Eto na po, sinasabi ko na, 'di na kayo kailangan mag-apply ng permit. Mag-motorcade po kayo, mag-entablado, 'di kayo makararamdam ng anuman,” pahayag pa ng alkalde.

Nauna rito, hindi natuloy ang planong motorcade ng alkalde sa Caloocan City matapos na bawiin ang kanilang permit.

“Tumawag kami sa MMDA (Metro Manila Development Authority). Eh 'yun pala nasabihan na nila 'yung MMDA din, ng Caloocan, ng city of administrator na binawi na raw nila ‘yung permit dahil nagkaka-traffic daw. Eh sana naman 'di na nila binigyan muna,” ani Lito Banayo, campaign manager ni Moreno.