Matapos makapanayam ang ilang nangungunang presidential candidates sa kabi-kabilang surveys, ang mga anak at asawa naman ng mga nito ang sunod na sasalang para sa panayam ni “King of Talk” Boy Abunda.

Kumasa sa imbitasyon ng “The Interviews With The Wives & Children of The 2022 Presidential Candidates with Boy Abunda” ang mga anak at asawa ng mga nangungunang presidential candidates kabilang na ang mga anak ni Ka Leody De Guzman na sina Leah at Dexter De Guzman; asawa at anak ni Manila Mayor Isko Moreno na si Dynee at Patrick Domagoso, ayon sa pagkakasunod-sunod; asawa at anak ni Bongbong Marcos na si Liza at Vinny Marcos, ayon sa pagkakasunod-sunod; asawa at mga anak ni Senador Manny Pacquaio na si Jinkee, Princess at Queenie Pacquiao; at ang mga anak ni Vice President Leni Robredo na sina Aika at Tricia Robredo.

Sa pinakahuling teaser nitong Miyerkules, ilang personal na tanong ang sentro ng panayam upang mas lalong makilala ng sambayanan ang mga kandidato sa personal na pananaw ng kanilang mga asawa at anak.

Tanging pamilya lang ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang hindi kumasa sa unang lineup ng panayam.

Mapapanuod ang panayam sa magkakahiwalay na petsa mula Marso 7-16 sa YouTube channel ni Boy Abunda.