Hinimok ni presidential aspirant at labor leader Ka Leody de Guzman ang kapwa nitong aspirtants sa pagkapangulo sa isang "green challenge," sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng mga non-biodegradable na materyales at sa pagbabawas ng carbon footprint ng kanilang kampanya.

Sa inilabas na press release ni Partido Lakas ng Masa (PLM) bet, de Guzman, inihayag niya na ang lahat ng kanyang campaign materials ay magiging biodegradable, at nanawagan sa kanyang mga tagasuporta na maging mulat laban sa paglala ng mga problema ng polusyon at pagbabago ng klima.

Aniya, "Bilang pagsasakongkreto ng ating paninindigan at plataporma para sa kalikasan, gagamit tayo ng biodegradable materials sa ating mga campaign paraphernalia. Sa tindi ng problema ng bansa sa polusyon at krisis sa klima, hindi sapat ang paglalagay lamang ng mga isyu't pagsang-ayon sa plataporma, ang kailangan ay iyong aksyon. Dapat konsistent ang ating ginagawa sa ating sinasabi."

Hinamon din ni De Guzman ang iba pang mga kandidato, mula sa mga presidentiables hanggang sa mga konsehal ng bayan, na aktibong lumaban sa paggamit ng mas mura ngunit nakakasira sa kapaligiran na mga materyales, at isama ang mga alalahanin sa kapaligiran sa kanilang mga plataporma ng pamamahala.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

“Ang paggamit sa mga materyales na hindi nakakapinsala sa kalikasan ay bahagi ng isinusulong nating electoral reforms. Isang krusyal na aspeto nito ay ang pag-akto ng Comelec sa pagtataas sa awareness ng mga botante ukol sa mga kamdidato't plataporma. Talikuran ang makalat, marumi, at magastos na kampanyang pumapabor sa mga bilyonaryong tumutustos sa mga gastos sa eleksyon ng mga kandidato para proteksyunan ang kanilang mga negosyo," paliwanag ni de Guzman.

Kabilang sa environmental agenda ni De Guzman ang pag-phase out ng mga coal-fired at incinerator power plant, transisyon sa paglipat sa isang berdeng ekonomiya, isang pagbabawal laban sa mga mapanirang industriya ng extractive tulad ng pagmimina at pagtotroso, mga reparasyon mula sa Global North para sa kanilang mga climate debt sa mga mahihinang bansa.

Nangako si Presidential bet Ka Leody de Guzman na gagamit lamang ng mga biodegradable na materyales para mapababa ang carbon footprint at mabawasan ang polusyon. Makikita rito ang mga campaign materials na gawa sa stone paper. | Larawan: Ka Leody de Guzman/FB

Ang partido pulitikal ni Ka Leody, na kalahok din sa 2022 partylist elections, ay naglalagay ng mga pambansa at lokal na kandidato sa ilalim ng Labor and Environment Advocates for Democracy (LEAD) slate.

Kabilang sa mga senatoriable ng PLM ang labor leader na si Luke Espiritu at environmental advocates na sina Roy Cabonegro at David D’ Angelo.