Pinaalalahanan ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga kandidato para sa May 9 national and local elections, gayundin ang mga tagasuporta ng mga ito na huwag magtanggal ng face masks sa kanilang pangangampanya.
Ipinaliwanag ni Vergeire na nananatili pa rin ang COVID-19 virus sa bansa kahit pa ibinaba na ng pamahalaan ang COVID-19 Alert Level 1 sa National Capital Region (NCR) at 38 pang lungsod at mga lalawigan kaya't dapat pa ring mag-ingat ang lahat.
“Gusto ko lang po ipaalala sa ating lahat na nandito pa rin po yung virus,” ani Vergeire sa isang media forum nitong Martes. “Alam po natin yung mode of transmission ng virus, maari pong droplet infection, na kung saan maaari kung kayo ay may sakit, maaari po in a matter of this distance makapag-transmit kayo ng impeksyon.”
“I just like to remind everybody, lahat po ng ating kababayan, including our candidates, including these individuals who are going in these campaign sorties, please always wear your mask. 'Yan po ang pinakaimportante ninyong panangga kasama ang inyong bakuna para maproteksyunan ang inyong sarili at para maproteksyunan din po ang ating community,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, umapela rin si Vergeire sa mga local government units (LGUs) na tiyaking naipatutupad ang safety health protocols sa mga polling precincts sa mismong araw ng halalan.
Aniya, dapat na magtulung-tulong ang lahat upang walang maganap na superspreader events at mapanatili ang pag-iral ng pinakamababang alerto sa COVID-19.
“Magtulung-tulong po tayo para po wala tayong superspreader events and we can maintain and sustain this alert level na mababa at patuloy tayo sa ating new normal,” pahayag pa ni Vergeire.
Bukod sa Metro Manila, isinailalim din sa naturang alert level status ang 38 pang lugar sa bansa.