Para sa aktres at direktor na si Vivian Velez, ang hindi pagharap sa mga debate ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ay kawalan ng malinaw na platporma ng kandidato.
Sa isang Facebook post nitong Linggo, tinira ng aktres ang hindi pagdalo ni Marcos Jr. sa naganap na Presidential debate sa pangunguna ng CNN Philippines.
“Marcos Jr. is playing not to lose by simply guarding his gains. Many have lost with that strategy. We hope this will not be an exception,” ani Vivian.
Dagdag ng aktres, mahalaga na nabibigyan ng oportunidad ang mga kandidato na magsalita sa publiko upang mailatag nila ang kanilang mga programa.
“It’s important that candidates take the opportunity to speak to the public and present their plans for government,” dagdag niya.
“Kung hindi ka humaharap, ibig sabihin wala kang malinaw na plataporma. Gising, Pilipinas,” pagtatapos ni Vivian.
Si Presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno ang masugid na sinusuportahan ngayon ng aktres na kilala ring tagasuporta ni Pangulong Duterte.
Samantala, hindi pa rin kinukumpirma ni Marcos Jr. ang kanyang pagdalo sa presidential debate na pangungunahan ng Commission on Elections (Comelec).