Usap-usapan pa rin ang presidential at vice presidential debate na pinangunahan ng CNN Philippines noong Pebrero 26 at Pebrero 27, 2022.

Kaugnay nito, nagsalita na si vice presidential aspirant Doc Willie Ong tungkol sa kanyang mga naobserbahan sa naganap na CNN Philippines Vice presidential debate noong Pebrero 26.

Sa kanyang ipinost na video sa kanyang Facebook nitong Lunes, Pebrero 28, ibinahagi ni Ong ang kanyang naging karanasan sa nasabing debate.

Binanggit niya na "very tense" umano ang atmosphere ng lugar.

"Kaya't pagpasensyahan niyo yung kandidata niyo president o vice president na medyo kabado magsalita doon kasi pinapatense eh," ani Ong. 

Matatandaang ginanap sa University of Sto. Tomas ang debate. 

Gayunman, sinabi rin ni Ong ang dahilan kung bakit "tense" rin ang nangyari sa debate.

Noong nag-uusap usap silang mga vice presidential candidate, lumapit umano yung isang host sa kanila.

"After 40 minutes, lumapit yung isang host sa amin. Ang sabi ganito eh 'We have to make more interesting... parang mababa yung views natin. We have to make it more interesting. Doc yung sinabi mong tungkol sa hospital maganda yun.' I think the word is more interesting, more lively para mahaba yung airtime natin," pagbabahagi ng running mate ni Moreno.

 "Ayun na nga ang nangyari after 40 minutes naging sobrang naging interesting.. meron nang nagsisisigaw," dagdag pa niya

Gayunman, nilinaw niya na mahirap at surprise yung mga tanong.

Inamin din ni Doc Willie na naramdaman niyang "unfair" sa parte niya dahil "lugi" raw siya sa tanong. 

Itinanong umano ng host ang tungkol sa pandemic. Sumagot ang ibang mga kandidato pero pagdating sa kanya iba na umano ang tanong.

"Doc Willie Ong, hindi kita tatanungin sa pandemic. Anong gagawin mo sa ibang bagay-- magaling ka na sa health eh.... anong gagawin mo sa ibang bagay na hindi pandemic. Kita mo? Trick question eh," pagbabahagi ni Ong.

"Sabi ko kaya ko yan, lahat ng linya kaya ko naman aralin lahat yan. Tagal ko na inaral, 3 years anong mahirap dyan... so medyo alanganin ba" dagdag pa niya.

Pagbabahagi pa ni Ong, pagdating sa kanya ay naiiba ang tanong. Kagaya na rin ng tanong na "kung sakaling ikaw vice president at iba ang president ano ang gagawin mo?" 

Nakahanda na umano si Ong kung ano ang kanyang sagot ngunit hindi ito tinanong sa kanya.

"So ready na ako eh. Ready na ako magsagot. Pagdating sa akin... wala. nganga. next question please. Oh diba, medyo lugi naman diba" aniya.

"... tsaka nakita niyo naman yung tanungan. Ang tagal ng oras doon sa mga sitting senators pero okay lang naman," dagdag pa niya.

May oras din daw na nagtataas siya ng kamay pero hindi siya tinatawag. Dapat daw ay may listahan kung ilang beses na umano sumasagot ang bawat kandidato para maging medyo "fair" umano.

Binanggit din ni Ong na kung siya ang gagawa ng debate, dapat daw ay ilabas muna ang strength ng bawat kandidato. Hindi raw dapat biglaan, ipitan, awayan, at pampataas ng rating.

Gayunman, sinabi niyang wala siyang sama ng loob o galit sa mismong CNN Philippines at nagpapasalamat siya rito para sa oportunidad.

Samantala, ang susunod ng vice presidential debate ay ang Comelec-sponsored debate na gaganapin sa Philippine Arena.