Sigurado ang naging sagot ng tatlong anak na babae ni Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo kung may plano ang mga ito na pasukin din ang politika.

Kumpiyansang ‘hindi’ ang sagot ng magkakapatid na si Aika, Tricia at Jillian Robredo sa tanong kung nakikita nila ang mga sarili sa mundo ng pulitika, pambansa man o lokal.

“Definitely not, I think scarred for life na po kami lahat,” agad na sagot ng panganay ni Robredo na si Aika sa isang panayam sa magkakapatid nitong Martes.

“Every election, we say na this is the last election ever for this family at mukhang magkakatoo na siya this time around,” dagdag na sagot ni Aika kahit na may Harvard’s Masters of Public Administration degree na maaari niyang maging tuntungan sa pulitika.

Umaasa namang maipagpapatuloy na ni Tricia ang kanyang specialization bilang doktor matapos ang May 9 elections.

“Ako honestly, gusto ko nang mag-pursue ng specialization. Matagal na siyang na-delay so I have my eyes set on that. Politics wala na po talaga,” ani Tricia.

Maging ang bunsong anak ni Robredo, hindi rin nito nakikita ang sarili sa mundo ng politika.

“Si mama, nag-run for VP [vice president], 15 years old pa lang ako. Dahil sobrang bata ko medyo scarred na rin ako sa mga nangyayari kung gaano kagulo ang politika so hindi na rin,” ani Jillian na nakatakdang magtapos sa kanyang double degree in Mathematics and Economics sa New York University.

Taong 2012 nang masawi sa isang plane crash ang kanilang amang si noo’y Department of Local and Interior Government (DILG) Secretary Jesse Robredo. Ito ang nag-udyok sa asawang si Leni Robredo na tumakbong Congressman ng ikatlong distrito ng Camarines Sur bago maging kasalukuyang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas.