Nagwagi bilang Best Actor at Best Actress in a Drama Series sina Lee Jung-jae at Jung Ho-yeon, ang mga bumida sa hit Korean series na 'Squid Game' na napanood sa Netflix.
Sila ang mga napili ng 2022 Screen Actors Guild Awards bilang pinakamahusay na aktor at aktres sa isang drama series, na maituturing na makasaysayan, dahil ito ang unang beses na may manalong mga Asyano para sa naturang award-giving body.
Si Jung Ho-yeon ay gumanap bilang babaeng North Korean contender sa Squid Game at si Lee Jung-jae ang bidang si Seong Gi-hun na nagkabaon-baon sa utang kaya sumali sa naturang paligsahan.
Sa kaniyang acceptance speech, pinasalamatan ni Lee Jung-jae ang 'global audience' dahil sa pagtangkilik sa Squid Game habang naging emosyunal naman si Jung Ho-yeon dahil hindi siya makapaniwala na nabigyan siya ng pagkakataong makatrabaho ang mga senior stars na dati ay pinanonood lamang daw niya. Ito raw ang unang acting award na nakuha niya simula nang pumasok siya sa showbiz industry.
Bukod sa kanilang dalawa, nagawaran din ng pagkilala ang drama series bilang 'Outstanding Performance by a Stunt Ensemble in a Drama or Comedy'.
Ito na ang ikatlong acting award para sa Squid Game, dahil naparangalan ang aktor na si O Yeong-su ng Golden Globe bilang Best Supporting Actor noong Enero.
Naparangalan naman din ang Squid Game ng Gotham Award bilang 'Breakthrough Series - Longform' noong Nobyembre.
Ayon sa direktor at manunulat ng Squid Game na si Hwang Dong-hyuk, sinisimulan na raw niya ang plot para sa season 2 ng kaniyang hit series.