Nadagdagan pa ang mga mambabatas na humihimok kay Pangulong Duterte na magpatawag ng special session upang matalakay ng Kongreso ang mga puwedeng hakbang na makatutulong sa pagpigil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo bunsod ng tensyong nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sinabi ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, Albay Rep. Joey Salceda, Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na nakahanda nilang talakayin ang mga panukalang batas na naglalayong suspendihin at alisin ang ipinapataw na buwis o excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ganito rin ang paninindigan ni Deputy Speaker Bernadette Herrera na suportado niya ang mungkahi ni Deputy Speaker at 1-Pacman Rep. Mikee Romero na kumbinsihin ang Pangulo na magpatawag special session.

"Suportado ko ang proposal ng aking mga colleagues na magkaroon ng special session. Kailangang kumilos na tayo ngayon bago pa sumikad ang presyo ng krudo nang husto," ani Rodriguez.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Iginiit niya na hindi magiging mahirap para sa mga mambabatas na magpulong dahil puwede naman silang magdaos ng virtual meeting ng ilang araw upang talakayin at pagtibayin ang isyu tungkol sa excise tax sa oil.

Ayon naman kay Rep.Salceda, maging ano man ang kahihinatnan ng Russia-Ukraine war, dapat ipatawag ni Pangulong Duterte sa special session ang Kongreso kapag ang presyo ng crude sa pamilihang pandaigdig ay umabot sa $100 kada bariles sa kalagitnaan ng Marso. 

"Kapag ang presyo ng krudo ay $100 sa Marso 15, dapat magpatawag ng special session ang pangulo para maka-aksyon tungo sa pagbabawas o suspensyon ng fuel excise taxes sa ilalim ng TRAIN law," bigay-diin ni Salceda.

Samantala, sinabi ni Herrera na handa ang mga kongresista na dumalo sa sesyon upang mapagtibay ang nakabimbing mga panukala para sa pag-aalis o suspensyon ng buwis na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.

Tinawagan naman ni Villafuerte ang Department of Energy na sa halip na magpaata-ata ang mga opisyal nito at hindi kumikilos, kailangang mag-triple time sila hinggil sa matagal nang planong pagtatayo ng isang national fuel reserve.

Ayon sa kongresista, dapat nang ilatag ng DOE ang kanilang SPR (strategic petroleum reserve) plan bilang preparasyon sa maaari pang maganap na krisis, tulad ng gulo sa Russia at Ukraine.