Sa kabila ng kaliwa’t kanang campaign activities ng mga kandidato kaugnay ng nalalapit na May 9 national and local elections, wala pa umanong naoobserbahan ang Department of Health (DOH) na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Sa Laging Handa briefing nitong Martes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na, “Base sa ating mga talaan at pagmomonitor ng kaso, nag-umpisa na po ang campaign sorties early part of this year and even last year actually pero nakita po natin na wala po tayong nagiging uptick ng mga numero ng kaso.”
Ayon kay Vergeire, sa ngayon ay patuloy pa ring bumababa ang COVID-19 cases sa lahat ng lugar sa bansa.
“Lahat po ay nasa minimal to low risk except for two areas in the country na ating binabantayan dahil meron silang moderate na lang po na ICU (intensive care unit) utilization. Pero bukod doon, case trends across all regions in the country, across all areas of the country are low to minimal,” dagdag pa niya.
Una nang sinabi ni Vergeire noong nakaraang linggo na ang lahat ng rehiyon sa bansa ay nasa ‘low risk’ na sa COVID-19 maliban sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Davao Region.
Ang campaign period para sa national candidates ay nagsimula noong Pebrero 8 habang ang campaign period naman para sa local candidates ay nakatakdang umarangkada sa Marso 25.