Hahabulin ni Presidential aspirant at Manila mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang tinatayang P200-bilyon na utang sa estate tax ng pamilya Marcos kung mahalal siya sa darating na halalan.

Sinabi ni Domagoso nitong Linggo, Marso 1, na gagamitin niya ang mga malilikom sa tax debts para matulungan ang mga Pilipinong naapektuhan ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

“Meron akong gagawing ayuda. I’ll make sure that I will implement the decision of the Supreme Court [SC], GR 120880, na may isang pamilya na pinagbabayad ng estate tax. As we speak, it’s about P200 billion already,” ani Domagosa sa isang ambush interview.

“If and if ako’y maging presidente, yung pera na yon na buwis ha, hindi po ito regular na buwis, estate tax, ngayon po P200 billion na ang halaga. E kung ipamigay ko rin na ayuda? Tutal pera niyo naman yon e,” idinagdag niya.

Bagama't hindi binanggit ni Domagoso ang "Marcos", ang GR 120880 gayunpaman ay tumutukoy sa isang desisyon ng SC noong Hunyo 1997 na nag-uutos sa mga Marcos na bayaran ang P23.29 bilyon na buwis sa ari-arian na inutang ng mga Marcos mula 1982 hanggang 1986, ayon sa kinalkula ng Bureau of Internal Revenue ( BIR).

Tinutulan ng pamilya Marcos ang deficiency assessment ng BIR na naging dahilan kung bakit umabot sa P203.8 bilyon ang halaga dahil sa mga naipon na multa sa mga dekada na hindi nabayaran ng mga tagapagmana ng mga Marcos.

Samantala, tiniyak ng alkalde ng Maynila na ipatutupad niya ang batas nang patas at pantay.

“Sabi ko nga, there is certainty and predictability in our administration. Sabi ko rin na walang mahirap, walang middle class, walang mayaman. Kung nakakatikim ng kulungan yung aksidenteng makakuha ng anim na kilong mangga, that goes to anybody who will be found guilty of such crime. Yun lang ang importante,” sabi ng presidential aspirant.

“There is a decision, they should pay, those people should pay, whoever they are. Kung siya ay collectibles na, dapat kolektahin,” aniya.

Nauna nang pinaalalahanan ni Domagoso ang mga botanteng Pilipino na maging maingat sa pagpili ng kanilang mga kandidato.

“Wag kayong magkakamali… Baka you’ve been electing the same group of people. Baka paulit ulit niyo lang biniboto ‘yung pare parehas na koponon. Baka gusto niyo maiba naman,” sabi ni Domagoso.

Jaleen Ramos