Simula nang magkaroon ng internet at mga makabagong gadget ay tila lalong lumiit ang mundo at nabigyang-pagkakataon ang mga tao na makapagsagawa nang mas mabilis na komunikasyon at pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng pasulat na paraan (text o chat) o pasalita (call o video call), lalo na sa trabaho, pakikipagkapwa, at paghahanap ng bagong kaibigan, kakilala, o karelasyon.

Out na sa pen pal, phone pal, at text mates dahil bukod sa mga social media platforms gaya ng Facebook, Instagram, Twitter, at iba pa, nauso na rin ang mga online dating app gaya ng Tinder, Bumble, OKC, Badoo, Tagged, at marami pang iba. May iba't ibang sistema kung paano makapipili ng 'Match' sa mga apps na ito, at kapag nasuwertehan, bahala na ang dalawang app users na mag-usap kung hanggang saan aabot ang kanilang ugnayan.

Halimbawa na lamang ay ang sikat na online dating app na Tinder kung saan isu-swipe left lamang ang profile na hindi bet, at kapag aprub naman, swipe right. Kapag nag-match, ibig sabihin, like ninyo ang isa't isa.

Ngunit posible nga bang sa pag-swipe right ay makatagpo si Mr. o Ms. Right?

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Para kay 'Susie', batay sa kaniyang karanasan ay posible ito dahil sa pamamagitan ng dating app na 'OKC' niya nakatagpo ang mister niyang si 'Jules'.

"Nagkakilala kami through dating app which is OKC. A friend encourage me na magdating app kasi medyo matagal na akong walang boyfriend. So sinubukan ko nga, first time kong gumamit ng dating app na 'yun. So swipe left, swipe right yung peg ko. So noong nag-match kami, nag-start kaming mag-usap sa Messenger," kuwelang salaysay ni Susie sa panayam ng Balita Online.

Habang tumatagal ang kanilang pag-uusap, mas nakikilala nila ang isa't isa at marami silang nalalaman sa mga detalye ng bawat isa. Mas lumalim ang kanilang koneksyon.

"We learned na pareho kaming single parent and both girls yung anak namin. Though nagsasabi ako ng ibang details, noon nagsisinungaling pa ako about my location, ganoon din sya. Kasi nakakatakot na baka scam, baka maloko ako, makidnap if ever, o baka kakilala ko pala siya in person tapos magulantang akong ka-chat ko sya."

"Then noong sinabi ko yung totoo, we found out na halos same vicinity lang kami kaya lalo akong natakot. He plans several times na makipag-meet pero ako yung umiiwas kasi baka mamaya may mangyari sa akin o baka kriminal, ganoon since first time ko nga."

"Upon investigating, I learned na may common friend kami. So yung common friend namin ay high school classmate ko which is ninong ng anak niya. Through our daily conversation at may common friend naman, nag-decide kami na mag-meet in person. After ng meeting namin, halos everyday na kaming magkausap."

"Since then, we decided to remove the dating app. Then I was invited sa bahay nila to meet his family and daughter. Then ganoon din nameet niya yung family and daughter ko. Eventually, we fall for each other," aniya.

Paano niya nasabing si Jules na ang 'The One?'

"Well compared to my previous boyfriends, nakita ko sa kaniya na mahal niya yung anak ko. Big factor 'yun for me kasi package kami ng anak ko eh, so kung mahal ako dapat mahal din yung anak ko. In addition, sa kaniya ko lang kasi naramdaman na mahal na mahal niya ko, yung security saka yung confidence nagkaroon ako na no matter what happened pipiliin ako hanggang dulo."

"Lastly, nakaramdam ako ng contentment, noon kasi laging parang may kulang, laging parang may mali, laging hindi tumutugma yung mga bagay. With him, lahat 'yun hindi ganun kabigat, lahat 'yun parang kaya and I know that we both made everything work kasi 'yun yung pareho naming gusto."

May mensahe naman siya sa mga kagaya niyang sumubok ng dating app para mahanap ang 'The One' nila. Aniya, wala namang masama sa paggamit nito, hindi ibig sabihin na sinuwerte siya ay ganoon din ang palad ng ibang tao, o baka kabaliktaran pa ang mangyari. Pero wala naman daw masama kung susubukan, basta't laging maging wais at huwag kaagad padadala sa emosyon. Love knows no place, aniya.

"Some people are actually against dating app and they would tell that it is impossible to meet someone whom you can live with forever. But I want them to know that love knows no place. Sometimes, darating si 'The One' sa buhay natin nang hindi inaasahan na paraan, na lugar gaya sa akin."

Avenue lamang daw ang apps subalit sa palagay niya, ang susi para magkaroon ng matibay na relasyon ay maayos na komunikasyon, aksyon, at pagmamahalan ng isa't isa na pinagtagpo ng kapalaran. Isama pa riyan ang katapatan sa partner.

"Social media, dating app, and technology give us another avenue find our the one and I believe that we should be grateful for that. However, I want to remind them that it is just a simple way to meet that person and the successful love story that they are looking for, still relies to the communication, actions, and hearts of the two individuals who met."

"Lastly, for me based on my experience, ang pinakaimportante in order to make things work is honesty. Kasi kung may honesty, nabi-build yung trust, nade-develop yung respect saka nagkakaroon ng acceptance. Ito yung dapat ma-establish ng relationship in order to surpass the other levels."

Sa kabilang banda, huwag naman daw umasa sa dating apps. Baka nasa tabi-tabi lang daw ang 'The Right One' pero hindi lang nappapansin; mga nakakasama na pala sa trabaho, paaralan, samahan o organisasyon, o baka naman kapitbahay.

"So wag silang mawalan ng pag-asa, baka kasi si 'The One' nag-swipe left and right pa. Haha. Wag silang magmadali. Finally, do not enclosed themselves in the idea of dating app. Gaya nga ng sabi ko, love knows no place. Baka nasa tabi na pala nila o kaya kaibigan na nila, o baka naman mamemeet nila from a common friend o kaya sa workplace. So just be open and while waiting for that person ibuild nila yung sarili nila para ready sila ang willing to give all to that person."

Sa ngayon ay 4 na taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina Susie at Jules kasama ang kani-kanilang mga anak.

Sa kabilang banda, iba naman ang karanasan ni 'Charles'. Ilang beses na rin siyang lumabas ng date kasama ang mga nakaka-match at marami na rin siyang apps na ginamit, pero wala pa rin ang kaniyang 'The One'.

"Minsan nga nalulungkot na ako sa buhay ko. Napapatanong na ako kung may mali ba sa akin. Pero ganoon talaga. We can't please everybody naman eh, so… hanap na lang ulit, sabi ni Charles.

May pagkakataon pa raw na naloko siya ng isang ka-match. Paniwala niya ay babae ito at humingi pa ng tulong sa kaniya. Naniwala siya dahil nagka-video call pa sila. Ang ending, nalaman niyang kasabwat lamang pala ang babaeng nakakausap niya dahil hindi talaga ito ang ka-chat niya kundi ang kapatid nito na humuthot lamang ng pera sa kaniya.

Kaya naman, sa paggamit ng online dating apps, siguruhin na hindi mabibiktima o magagantso ng mga mapagsamantala. Narito ang ilan sa mga paalala upang matiyak na lehitimo ang ka-chat at hindi nagpapanggap lamang:

  1. Tingnan ang mga impormasyon sa kaniyang profile magmula sa pangalan, edad, lokasyon, at iba pa. Kung may album, suriin ang mga litrato. Kung walang masyadong nakalagay, huwag kaagad magtiwala.
  2. Kapag nagkakausap na, huwag kaagad ibigay ang mahahalagang detalye sa buhay mo. Kapag tinanong na ang mga sensitibong detalye gaya ng bank account number, tirahan, o cellphone number, huwag kaagad magbigay.
  3. Kung bet na bet mo na talagang makipag-meet up, puwede naman. Puwede kang magsama ng chaperon, bantad man o hindi bantad, para kung sakaling may emergency, may maagap na tutulong sa iyo.
  4. Huwag na huwag magbibigay ng mga sensitibong litrato o video dahil puwede itong magamit sa mga hindi magandang paraan, lalo na sa pamba-blackmail.
  5. Kung medyo matagal-tagal na kayo, huwag pa ring 'mahulog' nang husto. Research-research din 'pag may time. Baka mamaya may jowa na pala o mas malala, baka may asawa na. Mahirap naman matawag na kabit, 'di ba?

Tatandaan, hindi masama ang maghanap ng makakasama sa buhay, pero dapat, gawin ito nang maingat para hindi makahanap ng sakit sa ulo, at makaka-sama sa buhay!