Nagdeklara ng pagsuporta ang mga supporter nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go kina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nitong Lunes, Pebrero 28.
Pinangunahan nina Senatorial aspirant Greco Belgica at UniTeam campaign manager Benhur Abalos ang paglulunsad ng isang alyansa sa pagitan ng supporters ni Senador Go at ng UniTeam, tinawag itong "Let's Go-UniTeam Coalition."
Dumalo rin sa aktibidad sina Senatorial candidate Larry Gadon, Butch Belgica, Gilbert Remulla, Cesar Montano at iba pa.
“Malinaw na if you're a true Filipino and you want progress for our country, susuportahan mo si BBM at si Sara. Itong combination ng North and South, nag-iisa lang ito at kung totoong Pilipino ka susuportahan mo sila,” sinabi ng aktor na si Cesar Montano.
Nagkaroon din ng pirmahan ngmemorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng UniTeam at mga lider ng mahigit sa 300 political, social, civic at cultural groups sa buong bansa na sumusuporta kay Go.
Ang naturang grupo ay sinasabing may malaking ambag sa pagkakapanalo umano ni Pangulong Duterte noong 2016 at maging kay Go nang tumakbo itong senador noong 2019 midterm elections.
“Ito ang aking matagal ng pinapangarap, ang pagsasanib ng pwersa ng Duterte, Bong Go at Marcos. Ngayong araw na ito, ang isa sa mga grupong nagpanalo kay Pres. Duterte noong 2016 at nagpataas kay Sen. Bong Go mula No. 23, naging No. 3 noong 2018, ngayon kasama na sa UniTeam. Hindi na nila tayo pwedeng madaya. Ngayon, nandito tayo sa punto na magdedefine sa ating kinabukasan,” anang dating MMDA Chairman.