Magandang balita para sa mga train commuters dahil balik na ulit sa 100% ang passenger capacity ng mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) simula Marso 1, 2022.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ito’y ay kasunod na rin nang pagsasailalim na sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1 mula sa kasalukuyang Alert Level 2.
“Iaakyat na sa 100% ang passenger capacity ng mga tren ng MRT-3 simula bukas, ika-1 ng Marso 2022, kasabay ng pagbaba ng alert level status sa Metro Manila mula Alert Level 2 tungong Alert Level 1,” anang DOTr.
Nilinaw ng DOTr na ang MRT-3 ay may kakayahang magsakay ng 1,182 pasahero kada train set o 394 bawat isang bagon.Ang bawat train set ay binubuo ng tatlong bagon.
“Ang pagtataas ng kapasidad ng mga tren ay bilang tugon ng pamunuan ng MRT-3 at Kagawaran ng Transportasyon sa pagtaas ng demand sa pampublikong transportasyon sa pagbubukas ng mas maraming establisimyento sa Metro Manila,” anang DOTr, sa Facebook post nito.
Pinaalalahanan naman ng DOTr ang mga pasahero na patuloy ipairal ang minimum public health standards laban sa COVID-19, kabilang na ang pagbabawal sa pag-uusap, pagkain, pag-inom at pagsagot sa telepono sa loob ng mga tren at mga istasyon nito.
Dagdag pa ng DOTr, mahigpit pa ring ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask ng mga pasahero habang ang pagsusuot naman ng face shield ay nananatiling boluntaryo.