Ibinahagi ni vice presidential candidate Doc Willie Ong ang ginawa niyang preparasyon sa naganap na CNN Philippines Vice Presidential Debate noong Pebrero 26, 2022.
Batay sa kaniyang Facebook post, makikitang hawak-hawak ni Ong ang tatlong bond papers na punumpuno ng mga sulat-kamay niya, na 'sulat-doktor'.
"Lahat ng isyu sa debate pinag-aralan ko po. Puro surprise questions mula sa CNN at sinulat ko ng mabilis ang sagot na maintindihan ng tao," ayon sa kaniyang caption.
"Doc Willie shows his quick scribbles to all questions fielded by CNN anchors during the live VP debate. Some questions were directed to him and many questions were not asked to him."
"But I had scribbled answers to all of the questions. You need quick and sharp thinking to answer concisely within a short time or else they will cut your microphone."
"Thank you for watching."
Sa isa pang Facebook post ay ibinahagi ni Doc Willie Ong ang regalo sa kaniya ng CNN Philippines matapos ang debate. Ito ay simpleng token para sa mga VP candidates na kumasa sa hamon ng pakikipagtagisan sa mga kapwa kandidato.
"Ito po regalo sa akin tapos ng debate sa CNN Vice Presidential Debate kagabi. Wow. Nakakataba ito. Baka tumaas ang asukal sa dugo at diabetes," biro ng manggagamot. Makikita sa litrato ang iba't ibang chocolate na may note na 'A big thank you for taking part in our Debate!"
Isa sa mga tumatak na pahayag ni Ong ay ang pangako niya na ipagpapatuloy ang 'Bilis Kilos' program ng running mate niyang si presidential candidate at Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, kung sakaling manalo ito.
Kinuwestyon naman niya ang mga senador at kalaban sa pagka-pangalawang pangulo na sina Senador Kiko Pangilinan at Senate President Tito Sotto III, na bagama't naipasa ang Bayanihan ay hindi nakapagpatayo ng infectious disease hospitals, na naging dahilan para hindi na maasikaso ang mga pasyenteng may ibang mga iniindang sakit, kagaya ng cancer.