Mahalaga ang pakikipagdebate sa mga kandidato sa pagka-pangulo upang makilatis ang totoong liderato ng isang naghahangad na umupo sa pinakamataas na puwesto sa bansa.

Ito ang binigyang-diin ni Vice President Leni Robredo matapos tanungin sa kahalagahan ng pagdalo ng mga kandidato sa mga debate.

Si Robredo ay kabilang lamang sa mga tumatakbo sa pagka-presidente sa 2022 National elections na dumalo sa Presidential Debate na ikinasa ng CNN Philippines nitong Linggo ng gabi.

Tanging si presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos ang hindi sumipot sa nasabing imbitasyon.

Pagbibigay-diin ni Robredo, dapat lang na daluhan ng mga kandidato ang mga itinakdang formal discussion upang makita ng publiko ang kanilang abilidad, plataporma at track record.

“Ito ‘yung pagkakataon ng taong bayan para suriin ‘yung aming demeanor, makita ‘yung aming character, pwedeng matanong kami tungkol sa aming track record.‘Yung number one ingredientdinng leadership aside from character is you show up in the most difficult times. ‘Pag hindi kamag-showup in the most difficult times hindi ka leader,” anang bise presidente.

“So, kahit mahirap kailangan nandiyan ka, kailangan kaya mong harapin ‘yung mga itatanong tungkol sa ‘yo, kailangan kaya mong masagot kung ano ‘yung issues laban sa ‘yo. Hindi ka magtatago,” pagdidiin ni Robredo.

Matatandaang dinaluhan ni Robredo ang halos lahat ng presidential forum at interview, kabilang na ang itinakda nina Jessica Soho, Boy Abunda, at Korina Sanchez-Roxas; ng DZBB Teleradyo, at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Raymund Antonio