Umani ng libu-libong views ang inungkat na maikling campaign advertisement ni Presidential aspirant Bongbong Marcos noong halalan 2016 kung saan pinayuhan nito ang mga botante na “alamin ang track record” at “makinig sa mga debate” ng kandidato.

“Ungkatan ng past” ang peg ng ilang netizens matapos ibalik nito sa Facebook ang bahagi ng isang campaign ad ni Bongbong para sa kanyang vice presidential bid noong 2016.

“Bago bumoto, magsiyasat. Alamin kung ano ang ginawa ng kandidato. Ano ba ang track record nito?” saad ni Marcos sa naturang patalastas.

Dagdag niya, dapat kilalanin ang pagkatao, prinsipyo, paninindigan ng mga tumatakbong kandidato sa eleksyon.

“Mag-usisa. Makinig sa mga dalubhasa, sa mga debate,” dagdag ng presidential aspirant.

“Makialam. Sumali sa diskusyon.”

Matatandaang ilang imbitasyon para sa talakayan ng kanyang plataporma ang tinanggihan ni Marcos kabilang ang presidential interview ng GMA Network, at ang kamakailang CNN presidential forum.

Posisyon ng dating senador, “biased” ang ilang media network kaya’t hindi na nito pinaunlakan ang mga panayam.

Hirit naman ng nag-upload na netizen: “Ladies and gentlemen, the best political campaign… against himself."

Kabilang naman mga dinaluhan presidential interview ni Marcos ang itinanghal ng SMNI, DZRH at ilang YouTube sit-down interviews.

Matatandaang noong 2016 ay tinalo si Marcos ng kanyang mahigpit na karibal na si noo’y Congressman Leni Robredo sa Vice Presidential elections na humantong pa sa ilang electoral protests.

Noong 2021, ibinasura ng Korte Suprema, na nagsilbing Presidential Electoral Tribunal, ang electoral protest ni Marcos.

Ngayong 2022 elections, si Marcos ang nananatiling frontrunner ng botohan sa Mayo sa kabi-kabilang surveys.