Nakapanayam ng ABS-CBN news anchor-vlogger na si Karen Davila ang Kapamilya young actress na si Alexa Ilacad, na nagdiwang ng kaniyang ika-22 taong kaarawan, at talaga namang umaalagwa ang showbiz career simula nang maging celebrity housemate sa reality show na 'Pinoy Big Brother': Kumunity Season 10.
Gaya ni Karen, isa palang Born Again Christian si Alexa na nagsimula pa lamang noong bata pa siya.
Pagdating sa kaniyang mga gamit sa kuwarto ay makikita ang pagiging organisado ng dalaga, bagay na ikinamangha naman ni Karen.
Isa sa mga natalakay sa panayam ay ang mental health depression na pinagdaanan ni Alexa, na nauna na niyang ibinahagi sa PBB: ang body dysmorphia. Ang body dysmorphia ay "mental health disorder n which you can't stop thinking about perceived flaws in your appearance."
"I was never really a petite, thin girl and that was my main problem," pagbabahagi ni Alexa.
"No matter what I do, no matter what diet, I have to accept and realize na no matter hard I try, I will never be skinny," dagdag pa niya.
Hindi raw niya napagtanto na kinakain na pala siya ng isang uri ng mental health depression. Hindi raw kasi niya matanggap ang kaniyang pinagdaraanan ng mga panahong iyon.
"I couldn't accept na I have depression… Why me? I know it's a bad habit to compare your struggles with other people, but I said na, I didn't notice na may pinagdadaanan ako."
Pero nag-iba raw ang kaniyang pananaw nang ipaliwanag sa kaniya ng espesyalista na 'chemical imbalance' daw ang nangyayari sa kaniyang utak, sa tuwing nararanasan niya ang depresyon na ito. Minsan daw, kahit wala namang 'trigger' ay bigla na lamang siyang makakaramdam nang ganitong pakiramdam.
Hindi rin niya matukoy kung saan nanggagaling ang ganitong pakiramdam. Maayos naman daw ang kanilang pamilya, hindi siya dumaan sa grabeng traumatic experience, kaya hindi niya matukoy kung saan nagmula ang ganitong depresyon.
Hinuha naman ni Karen, baka dahil daw sa pagpasok niya sa showbiz, sa murang edad pa lamang. Nagsimula kasi si Alexa bilang child star sa ABS-CBN, at baka dahil maaga raw siyang namulat sa 'rejections'.
Tila sumang-ayon naman dito si Alexa. Sa pagitan daw nila ng Mommy niya, mas kinailangan niyang magpakita ng katatagan ng loob sa mga 'showbiz rejections' lalo na pagdating sa kaniyang career. Ayaw daw niyang ipakita sa nanay niya na nasasaktan siya dahil 10 beses na ulit ito sa pakiramdam ng magulang, bagay na sinang-ayunan naman ni Karen dahil naranasan din niya ito sa nanay niya.
"How do you see your body," balik-tanong ni Karen kay Alexa.
Inamin ni Alexa na sinubukan niya ang 'Anorexia' at 'Bulimia'.
"I've tried," aniya. Iyon din daw ang isa sa mga naging problema niya sa pagpapapayat dahil mahilig siyang kumain.
"I'm still in the process of learning how to take care of myself and how to appreciate my body," pag-amin pa niya.
Kapag tumitingin din daw siya sa salamin ay hindi niya nakikitang maganda ang kaniyang sarili. Nakadepende raw sa araw o mood niya sa isang partikular na araw kung paano niya tinatanaw ang kaniyang sarili.
"I'm getting the help that I need and I'm not shy to ask for it," saad pa ni Alexa, kasabay ng pag-amin na kasalukuyan pa rin siyang sumasailalim sa medikasyon at paggabay ng espesyalista.
Kaya malaki ang pasasalamat ni Alexa sa kaniyang mga tagahanga dahil nararamdaman niya ang pagmamahal mula sa kanila.
Mapapanood ang kabuuang panayam sa latest vlog ni Karen Davila.