Tiniyak ni Aksyon Demokratiko Presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na pagkakalooban niya ng hanapbuhay ang may apat na milyong manggagawang na-displaced dahil sa pandemya ng COVID-19 sa bansa, sa sandaling siya ang palaring magwagi bilang susunod na pangulo ng bansa, sa halalang gaganapin sa Mayo 9.

Ang pagtiyak ay ginawa ni Moreno nitong Lunes, Pebrero 28, matapos na ibigay ng tatlong labor organizations ang kanilang suporta sa kanyang kandidatura.

Ayon sa grupo, nakikita nila ang sinseridad ni Moreno na tumulong sa mga mahihirap at sa mga manggagawa dahil nagmula din ito sa parehong sektor.

Ang mga nasabing grupo ay kinatawan nina Dennis Aquino, national coordinator ng National Confederation of Labor; Jessie Olivar, chairman ng Bus Transport Workers Alliance at Eduardo Laurencio, secretary-general ng Alliance of Genuine Organization (AGLO).Ang mga grupong ito ay may daang libong lider sa buong bansa.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Paniniguro pa ni Laurencio, susuportahan nila si Moreno kahit na magdesisyon si President Duterte na suportahan ang ibang kandidato sa pagka-presidente

Matatandaang una nang sinabi ni Duterte na wala siyang ineendorsong presidential candidate.

Sinabi ng grupo na nasa kalye na sila noong 1986 at nakikipaglaban ngunit wala ring nangyari sa kanilang mga ipinaglalaban.

Para sa kanyang bahagi, pinasalamatan naman ni Moreno ang national labor movement sa kanilang suporta.

Nangako rin siyang gagawin ang kanyang makakaya upang hindi mabigo ang mga ito.

Sinabi ni Moreno na sisikapin niyang maitawid ang lahat ng mga Pinoy mula sa dinanas nitong pandemya sa unang dalawang taon ng kanyang panunungkulan sakaling manalong presidente ng bansa sa May elections.

Sinabi pa ni Moreno na ipapatupad niya ang tapyas na 50 percent tax sa petrolyo at kuryente.