Suportado ni House Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang panawagan ng Kamara para sa isang special session para maisabatas ang suspensyon ng excise taxes sa mga produktong petrolyo kasunod ng mabilis na pagsirit ng presyo ng petrolyo.

Sa ilalim ng 2018 Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act, ang produksyon, pagbebenta, at pamamahagi ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas ay napapailalim sa excise taxation.

“If it is really necessary and President Duterte calls for it, we are more than willing to take part in the special session with the end goal of providing much-needed relief to our people amid unstoppable rise in crude prices,” ani Herrera.

“The higher costs will be passed on to ordinary consumers who have no choice but to deal with rising prices of food, electricity, water and other goods and services,” dagdag niya.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ayon kay Herrera, sakaling masuspinde ng Kongreso ang excise tax sa produktong petrolyo, maaaring bumaba ang presyo ng diesel hanggang P6 kada litro, P10 kada litro sa gasolina, P5 kada litro sa kerosene, at P33 kada 11-kilogram na tangke ng Liquefied Petroleum Gas (LPG).

Gayunpaman, ayon sa 1987 Constitution, tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lang ang may awtoridad na magpatawag ng isang espesyal na sesyon ng Kongreso sa panahon ng recess ng Kamara bilang paggalang sa darating na halalan.

Ang Kongreso at Senado ay hindi magpupulong hanggang matapos ang halalan sa 2022 sa Mayo 9.

Sa gitna ng coronavirus (COVID-19) pandemic at pagsalakay ng Russia sa Ukraine, tumaas ang presyo ng krudo sa buong mundo na nagresulta sa napakalaking pagtaas ng presyo ng gasolina sa Pilipinas.

Seth Cabanban