Ipinahiya ng Magnolia Hotshots ang bagong import ng San Miguel Beermen na si Shabazz Muhammad matapos matalo ang koponan nito, 104-87, sa kanilang laro sa Ynares Sports Center sa Antipolo City nitong Linggo ng gabi.

Hindi umubra ang pagiging beterano sa National Basketball Association (NBA) at pumalit kay Orlando Johnson bilang import ng Beermen, nakagawa lamang si Muhammad ng 27 puntos, 17 rebounds.

Dahil kasasalta pa lamang sa liga, 11 lamang na tira ang naipasok nito sa kanyang 28 na pagtatangka kasalungat naman nina Paul Lee at Mike Harris ng Magnolia na halos hindi mapigilan sa impresibong laro.

Pagdidiin naman ni Hotshots coach Chito Victolero, bumawi lang sila sa pagkatalo nila sa NorthPort nitong Pebrero 24.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hawak na ngayon ng Magnolia ang kartadang 7-1 panalo-talo na nagpapatatag sa pagkakataong makuha ang twice-to-beat advamtage sa quarterfinal.

Bumaba naman sa 5-4 panalo-talo ang baraha ng San Miguel.

"We just tried to bounce back hard for this game. It's a character game for us. 'Yung pinag-usapan namin was just we try to move forward," sabi ni Victolero.

Bukod kina Lee at Harris na may tig-26 puntos, sumuporta rin sa kanila sina Mark Barroca at Aris Dionisio.

Naka-18 puntos naman si CJ Perez sa panig ng San Miguel, 16 puntos naman kay Vic Manuel habang si June Mar Fajardo ay nagdagdag ng anim na puntos at 11 rebounds.