Parehong nangako sina Senador Panfilo "Ping" Lacson at Senate President Vicente Sotto III na susuportahan ang isa't isa hanggang sa matapos ang kanilang electoral bid sa darating na May 2022 elections.

Si Lacson, standard bearer ng Partido Reporma, at ang kanyang running mate na si Sotto, ay parehong nagsabi na gumawa sila ng kasunduan para ikampanya ang isa't isa mula sa simula hanggang sa mismong araw ng halalan anuman ang mangyari.

Sa vice presidential debate na pinangungunahan ng CNN Philippines noong Sabado, sinabi ni Sotto na hindi niya iniisip ang posibilidad na makatrabaho ang kasalukuyang frontrunner sa presidential race na si dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

“I have not given it a thought. In my sphere, we are working on the presidency of Senator Lacson,” ani Sotto.

"“So, hindi ko iniisip ‘yan," dagdag pa niya.

Nanindigan din si Sotto na kung siya at si Lacson ang ihahalal, gagamitin nila ang kanilang mahigit 30-taon sa public service upang tugunan ang napakalaking problemang kinakaharap ng bansa.

“After 30 years, I think I’m ready for the job. I am not thinking of anyone else who would win,” anang vice presidential candidate.

Sinabi ni Lacson sa isang Facebook post na handa siyang lumaban kasama ang kanyang piniling running mate.

“Hindi namin pinasok ni Tito Sotto ang giyerang ito para lang matibag sa dulo. Kung Lacson-Sotto tandem and papalarin, ipapanalo naming dalawa ang bawat Pilipino," ani Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na sa ilalim ng posibleng administrasyong Lacson-Sotto, maaasahan ng mamamayang Pilipino ang maayos na ugnayan sa pagitan ng dalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno sa bansa.