Obligado pa rin ang publiko na gumamit ng face mask kahit isinailalim na sa COVID-19 Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) at 38 pang lugar sa bansa.
Nilinaw ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, nakapaloob ang mga ito sa alituntuning inilabas ngInter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) nitong Linggo.
Ang nasabing alert level status ay epektibo simula Marso 1-15, ayon kay Nograles.
Bukod aniya sa face mask, obligado rin ang mga dadalo sa mga political events na magharap sa mga awtoridad ng vaccination card o o anumang katibayang fully-vaccinated na sila kontra coronavirus disease 2019.
Pinaalalahanan din ni Nograles ang publiko na dapat na isuot nang maayos ang face mask sa lahat ng oras, kahit nasa labas o loob ng mga pribado o pampublikong establisimyento o sa loob ng pampublikong transportasyon.
Paglilinaw ni Nograles, hindi na kailangang mag-face mask kapag kumakain at umiinom, sumasali sa koponan at individual sports sa mga lugar na napapanatili ang ventilation standards, at nag-eehersisyo o nag-eensayo sa outdoor sports activities kung saan ipinaiiralang physical distancing.
Hindi na rin inoobliga ang mga pampublikong sasakyan na gumamit ng acrylic o plastic dividers. Tinanggal na rin ang paggamit ngSafe, Swift and Smart Passage (S-PaSS) travel management system para sa interzonal travel sa mga lugar na saklaw ng Alert Level 1.
Argyll Geducos