Nangako si Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na itutuloy ng kanyang administrasyon ang pagtatayo ng panukalang tulay na mag-uugnay sa Iloilo, Guimaras at Negros Occidental sakaling manalo siya sa pagkapangulo sa May 2022 elections.

Ito ang binitawang pangako ni Marcos sa political rally ng UniTeam sa Tamasak Arena, Barotac Nuevo noong Huwebes.

“Kailangan po nating ipagpatuloy ang sinimulan ni Pangulong Duterte na ‘Build, Build, Build’ program sa imprastraktura. Pinag-uusapan nga namin kanina kung papaano ang gagawin para matuloy na ‘yung tulay na manggagaling sa Iloilo hanggang Guimaras hanggang sa Negros," ani Marcos sa naganap na rally.

“Para mabuksan na natin at dumami ang economic activity dito,” dagdag ng dating senador.

Ang tulay, ani Marcos, ang magiging pinakamahaba sa Westeren Visayas, at isa sa pinakamahabang tulay sa bansa. Una itong iminungkahi noong 2017 at itinaguyod ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, kaalyado ni Vice President Leni Robredo at karibal ni Marcos.

Ang tulay ay inaasahang aabot ng 32 kilometro at mahahati sa dalawang bahagi—ang 13 kilometrong Panay-Guimaras link, at ang Guimaras-Negros link na may 19.47 kilometro.

Ayon kay Marcos, ang pagtatayo ng panukalang tulay ay nangangailangan ng masusing pag-aaral dahil hindi ito tutustusan ng gobyerno.

“Isa ‘yun sa mga project na pino-propose at kailangan pag-aralan kasi hindi naman gobyerno ang magbabayad niyan,” ani Marcos sa isang panayam sa kanyang Iloilo campaign.

“At kung hihingi tayo ng tulong sa ibang lugar kailangan naman maipakita natin sa kanila ang ganansya. Isa ito sa laging napag-uusapan when it comes to our infrastructure development,” dagdag niya.

Nauna nang kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magaganap ang engineering services para sa tulay, na may suportang pinansyal mula sa pamahalaan ng South Korea, partikular ang Export-Import Bank of Korea.

Ito ay unang iminungkahi sa panahon ng administrasyon ng noo'y pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Ang panukalang tulay ay nakikita daan upang mapabilis ang land travel at nagpapahintulot sa mga tao na tumawid sa Iloilo, Guimaras, at Bacolod para sa mga layunin ng komersiyo, turismo, at iba pang mahahalagang biyahe.

Hannah Torregoza