Kumpiyansa si Vice-Presidential aspirant Senator Francis “Kiko” Pangilinan na taglay niya ang kinakailangang katangian upang labanan ang katiwalian sa gobyerno at binanggit ang kanyang malinis na track record sa kanyang tatlong termino sa Senado.
Ito ang pahayag ni Pangilinan sa kanyang paglahok sa Vice Presidential debate ng CNN Philippines sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) nitong Sabado, Pebrero 26.
Bilang tugon sa tanong ng mga kandidato tungkol sa kanilang kapasidad na labanan ang katiwalian, binanggit ni Pangilinan, na nahalal sa Mataas na Kapulungan noong 2001, ang kanyang malinis na track record sa kanyang tatlong termino.
“Mahalaga sa akin ang tiwala na ibinigay sa akin ng ating mga kababayan kaya tiniyak natin na sa tatlong termino natin, ni minsan hindi tayo nasangkot sa ano mang kaso ng anomalya. So maliwanag ‘yan,” aniya.
Ayon kay Pangilinan, sa kanyang unang termino bilang senador, itinulak niya ang modernisasyon ng sistema ng hustisya sa bansa dahil ito ang makakalutas sa problema ng korapsyon.
“Dinagdagan natin ang sahod ng mga huwes, binaba natin ang vacancy rate sa huwes noong tayo ay miyembro ng JBC (Judicial and Bar Council), nadagdagan din ang benepisyo ng ating mga prosecutor,” dagdag niya.
“‘Pag malakas ang sistema ng katarungan, talagang ang corruption mababawasan talaga dahil napaparusahan ang dapat maparusahan,” pagpapatuloy ng VP aspirant.
Bukod dito, sinabi ni Pangilinan na nakatipid ang bansa nang siya ay pamunuan ang National Food Authority (NFA) noong 2014.
“For the first time in 42 years, nag-reject ng bid ang NFA dahil masyadong mataas. In fact, apat na beses tayong nag-reject ng bid. Bakit nag-reject? Kasi mataas. Bakit mataas? Dahil merong isinisingit na tongpats,” sabi ni Pangilinan.
“Sa apat nating pag-reject, napababa nila ang presyo ng Thailand at Vietnam ng kanilang ino-offer na bigas at nakatipid tayo ng P7 billion dahil dito. ‘Yan ang ating track record,” dagdag niya.
Argyll Cyrus Geducos