Nasolo ng isang taga-Camarines Sur ang mahigit sa ₱10 milyong jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes ng gabi, Pebrero 25.
Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Royina Garma, matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang six-digit winning combination na 06-22-23-41-36-21 kaya’t napagwagian nito ang katumbas na jackpot prize na ₱10,304,636.60 ng Mega Lotto 6/45.
Sinabi ni Garma na nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Naga City.
“Ticket for Mega Lotto 6/45 Game bought in Naga City, Camarines Sur won the Jackpot Prize of ₱10,304,636.60 for February 25, 2022 draw,” aniya pa.
Upang makubra naman ang kanyang napanalunan, pinayuhan ni Garma ang masuwerteng mananaya na magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO at magprisinta ng dalawang balidong ID cards at ang kanyang lucky ticket.
Nauna rito, noong Huwebes ng gabi (Pebrero 24), isang mapalad na mananaya rin mula naman sa Moalboal, Cebu ang nagwagi naman ng ₱28,851,800.80 matapos na mahulaan ang six-digit winning combination na 12-29-15-03-06-20 ng Regular Lotto 6/42.
Muli rin namang hinikayat ni Garma ang publiko na tangkilikin ang mga palaro ng PCSO upang magkaroon na ng tiyansang maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.