Dahil 90 porsiyento ng trabaho ay naililikha ng micro, small and medium enterprises (MSMEs), sinabi ni vice-presidential aspirant Senator Francis “Kiko” Pangilinan na isusulong niya ang P100-bilyong stimulus fund para sa milyun-milyong maliliit na negosyante sa bansa.

Sa CNN Philippines Vice Presidential Debate nitong Sabado, Peb. 26, sinabi ni Pangilinan na siya at ang standard-bearer na si Leni Robredo ay magbibigay ng tulong pinansyal para sa MSMEs ngunit may mga kundisyon.

“Makakakuha ka ng ayuda kung hindi mo tatanggalin ang iyong mga empleyado so that we can preserve these jobs. Second, kung kukunin mo ulit yung mga tinanggal mong trabahador dahil sa COVID-19 [pandemic],” ani Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan na dinagdagan nila ang cash assistance na ibibigay sa MSMEs dahil ang P15 bilyong halaga ng financial aid na inaprubahan noong nakaraang Kongreso ay “masyadong maliit.”

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang suportahan ang mga MSME na lumilikha ng milyun-milyong trabaho para sa mga Pilipino.

“Over 1 million ang ating small and medium enterprises at sila ang pinakamalaking employer. Also, 90 percent of our employment comes from small and medium enterprises,” paliwanag ng VP aspirant.

“We really have to support them… para tuluy-tuloy na ang ating ekonomiya ay sumigla,” dagdag ni Pangilinan.

Alexandria Dennise San Juan